BARILAN SA TAGUIG, NAIS BUSISIIN NI PADILLA KUNG MAY KINALAMAN SA DISKRIMINASYON SA MGA MUSLIM

NAIS ni Senador Robin Padilla na alamin kung diskriminasyon sa pagkain sa pamamagitan ng paghain ng karne ng baboy ang naging mitsa ng pamamaril na ikinamatay ng isang pulis sa Taguig City.

Sa kanyang Senate Resolution 743, nais ni Padilla na magsagawa ng pagsisiyasat ang Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs sa insidente makaraang igiit ng Muslim na pulis sa pamamaril na nagkaroon na ng ibang insidente ng diskriminasyon bago pa ito mangyari.

“Given the recurring unfortunate incidents prejudicial to the Muslim community and their basic necessity for human survival, that is sustenance through food in line with their dietary principles, it is imperative for the Senate to thoroughly evaluate and formulate effective measures to address and mitigate these occurrences,” pahayag ni Padilla sa kanyang resolution.

Binigyang-diin ng senador na namatay ang isang pulis at nasugatan ang isa pa sa pamamaril noong Agosto 7, matapos ang alitan sa isang Muslim police officer.

Naging ugat umano ng pamamaril ang paghain ng ulam na pork sa himpilan ng pulisya.

Kinumpirma ni Padilla na sinulatan siya ng Muslim police officer na nagsabing bago ang insidente, may “previous instances of discrimination and mockery” laban sa kanya, kasama ang paghain ng karne ng baboy na hindi pinaalam sa kanya.

Bukod dito, may ibang insidente na maaaring lumabag sa Islamic dietary laws, kasama ang pagsisiyasat ng Department of Science and Technology Calabarzon kung saan 51 produkto ng isang processed food brand na may “Halal” logo ay may halong pork, at ang Halal certifier ng kumpanya ay hindi accredited ng National Commission on Muslim Filipinos; at ang pagtuklas ng Commission on Audit report for 2021 na ang caterer ng Bureau of Corrections ay naghain ng pork sa mga Muslim at Seventh-Day Adventists inmates, labag sa Food Subsistence Agreement na ang pagkaing ibibigay sa mga inmates ay alinsunod sa kanilang pananampalataya.

Kasama rin ang pagtangkang hostage-taking kay dating Sen. Leila de Lima sa PNP Custodial Center noong Oktubre 9, 2022, kung saang inireklamo ng isang Muslim inmate na pork ang inihain sa kanya.

Napansin din ni Padilla na may panawagan sa pamahalaan ng General Santos City para magkaroon ng dedicated area para sa Halal na pagkain sa central market nito, matapos matuklasan umano na may mga vendor na naglagay ng dugo ng baboy sa isda para magmukha itong sariwa.

“Muslim Filipinos, constituting a minority within the Philippines, encounter unique challenges in the exercise of their religious beliefs, particularly when it comes to fulfilling their basic dietary needs,” diin ni Padilla.

(Dang Samson-Garcia)

119

Related posts

Leave a Comment