INILATAG ni Senador Raffy Tulfo ang iba’t ibang hakbangin upang malunasan ang nakababahalang pagtaas ng teenage pregnancies sa bansa.
Sa pagdinig sa Senado, iniulat na tumaas ang bilang ng mga edad 10-14 na nabubuntis.
Una sa mga inilatag ni Tulfo ang pagkontrol sa pagbebenta ng alak kung saan bibigyan ng lisensya ang mga tindahan na may kaakibat na responsibilidad ang mga may-ari.
“Siguro po isa-suggest ko, i-legislate natin ‘to na magkaroon ng liquor license ang lahat ng tindahan na nagtitinda ng liquor. Kapag nag-violate ka, nagbenta ka ng liquor sa minor, kakanselahin ‘yung lisensya mo forever. Hindi ka na pwede magtinda ng liquor. Kapag nagpumilit ka, pwede ka makulong,” saad ni Tulfo.
Itinutulak din ni Tulfo na pagbawalan ang mga estudyante, lalo na ang high schools students, na lumabas ng kampus sa oras ng pag-aaral.
Nais din ni Tulfo na magkaroon ng batas na nagsasaad na dapat may identification card ang mga babaeng ipinapasok ng mga lalaki sa mga motel at hotels matapos makatanggap ng reklamo na maraming minors ang dinadala ng mga lalaking mas matanda sa kanila sa mga motel at hotel.
“Maraming beses na po akong nakakatanggap ng reklamo na maraming minors ang dinadala sa motels at hotels na mga lalaking nakakatanda sa kanila, nire-rape pa because hindi hinahanapan ng ID yung mga pumapasok na kababaihan doon,” diin ni Tulfo.
Iminungkahi rin ni Tulfo na dapat 400 metro ang layo ng mga motel at hotel sa mga eskwelahan sa bansa.
Isa pa sa inirekomenda nito ang pagkakaroon ng mga ahensya ng gobyerno na makipag-ugnayan sa social media applications na i-regulate o kontrolin ang mga kabataan sa paggamit ng online platforms.
Sinabi ng senador na dapat makipag-usap ang Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), at National Bureau of Investigation (NBI) sa mga social media apps tulad ng Tiktok, Facebook, Bigo, Alua, at OnlyFans para masiguro na ang users ay mga adult at hindi menor de edad.
Sa ulat, noong 2021, ang mga batang babae na nanganganak ay tumaas mula sa 2,113 noong 2020 sa 2,299 noong 2021. (DANG SAMSON-GARCIA)
160