‘BENTAHAN’ NG DIVI MALL PINALAGAN

NAGPAPASAKLOLO ang mga negosyante sa Divisoria mall na namemeligrong mawalan ng pwesto.

Ayon sa mga negosyante, nakatanggap sila ng liham buhat sa Market Administration office noong Nobyembre 11, 2020 at inabisuhan sila na isasara ang Divisoria Public Market simula Enero 31, 2021 upang magbigay-daan sa konstruksyon ng bagong gusali sa bahagi ng apat na kalye sa Binondo, Manila.

Inabisuhan din ang mga vendor na i-turnover ang kanilang mga puwesto o stalls sa naturang tanggapan upang maiwasan ang anomang abala sa Tabora St., Sto. Cristo, Commercio St. at M. De Santos sa Binondo.

Nakasaad din sa liham ng mga vendor, na kung mayroon silang updated permits at licenses maaari silang makakuha ng stalls sa Pritil Market sa pamamagitan ng pagsusumite ng application sa Market Admin office bago ang closure ng Divisoria Public Market.

Ayon sa mga vendor, nagulat na lamang sila nang malamang naibenta na pala ng lungsod ng Maynila ang naturang palengke sa Festina Holdings, Inc. sa halagang P1,446,966,000.00.

Napag-alaman na nagkaroon ng karapatan ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na kinakatawan ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, na ibenta sa pamamagitan ng public auction ang nasabing palengke.

Ayon kay City Administrator Felix Espiritu, kung hindi makakukuha ng ibang pwesto ang mga vendor ay wala silang magagawa rito. Binalaan din niya ang mga ito na huwag tangkaing magtinda sa bangketa dahil maari silang hulihin.

Pumalag naman ang may 100 miyembro ng kooperatiba sa nasabing mall na matindi rin maapektuhan ng naturang bentahan.

Ayon pa sa mga vendor, hindi makatwiran ang bentahan dahil ginawa ito sa panahon ng pandemya.

Idinahilan umano ng city government na gagamitin ang napagbentahan ng palengke bilang pondo ng City’s Action Plan laban sa COVID-19 at iba pang pampublikong serbisyo at programa ng lungsod.

Sadyang nagtataka ang mga vendor kung bakit nakalikha ng batas na inisponsoran ni Konsehal Joel R. Chua, Majority Floor Leader, at naipasa sa Konseho upang magkaroon ng karapatan ang alkalde ng lungsod na maipagbili ang isang ‘patrimonial property’ sa Maynila na nilagdaan nina Vice Mayor Maria Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan, Presiding Officer City Council at Ernesto C.

Isip, Jr., President Pro-Tempore and Acting Presiding Officer City Council.

Naghihimutok din ang mga nagtitinda dahil hindi nila kaagad nalaman na naibenta na pala ang Divisoria Public Market.

Lumapit na rin ang mga vendor sa Senado at Malakanyang upang gawan ng kaukulang aksyon ang kanilang suliranin.

Bukod dito, magsasampa umano sila ng kasong graft sa Ombudsman sa sandaling makumpleto nila ang mga ebidensya. (JULIET PACOT)

275

Related posts

Leave a Comment