NAKIPAG- UGNAYAN ang Bureau of Customs (BOC) sa Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DOH) para sa mahigpit na pagbabantay sa mga kargamento na dumarating sa Pilipinas na nanggagaling sa mga bansang apektado ng 2019 Novel coronavirus (2019-NCoV).
Ayon kay BOC Assistant Commissioner at spokesperson Atty. Vincent Maronilla, maagang nagbigay ng direktiba si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa customs personnel na magsuot ng kumpletong kasangkapan sa pagsasagwa ng pagsusuri sa items mula sa mga bansang napaulat na may mga kaso ng 2019 NCOV na natuklasan sa Wuhan, Hubei, China.
Idinagdag pa ni Maronilla na ang BOC’s Intelligence and Enforcement Groups ay nasa full alert sa pagbabantay ng items at sa pakikipag-ugnayan sa DA at DOH sa mga pinaghihinalaang nagtataglay ng nasabing sakit bukod sa mga taong nagdadala nito.
Sinabi pa ni Maronilla, tulad ng DA, mahigpit nilang ipatutupad ang maayos na pagsusuri sa.mga kargamento upang hindi makalusot ang nasabing virus.
Inihayag pa niya na ang importasyon ng mga pagkain produkto na walang kaukulang lisensiya mula sa DA o sa Food and Drug Administration ay mananatiling bawal.
Kaugnay nito, ang Philippine transport at government authorities ay nagpatupad na rin ng paghihigpit upang tugon sa international outbreak ng 2019-NCOV, isang virus na kauna-unahang natuklasan sa Wuhan, Hubei, China noong Disyembre nakaraang taon.
Ang nasabing virus ay kumalat na rin sa ibat-ibang bansa Asya at maging Amerika, Canada at ilang bahagi ng Europe at United Arab Emirate.
Samantala noong Enero 30, kinumpirma ni DOH Secretary Francisco Duque na isang babaeng Chinese, 38 anyos, nagmula sa Wuhan China, at naka-confine sa San Lazaro Hospital ang nagpositibo sa NCoV. (JOEL AMONGO)
114