Netizens pumalag sa labis na pamumulitika
HINDI nagustuhan ng netizens ang special session na isinagawa ng liderato ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa Batangas City dahil hindi umano ito makatutulong sa mga biktima ng pagsabog ng Taal Volcano.
Maging si Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan ay nagpahayag ng agam-agam sa totoong dahilan ng mga mambabatas sa pagtungo sa nasabing probinsya para doon mag-sesyon.
Hindi man direktang tinuran ng mambabatas, duda niya ay papogi lamang ang layunin ng pagpunta ng Kamara sa Batangas.
Sa opinyon ng viber community, wala umanong maitutulong sa evacuees ang pagdayo ng Kamara sa Batangas City para doon mag-session kundi isang uri lamang umano ng pag-‘epal’.
“Imagine this, hundreds glittering, gas guzzling & brand new SUVs wd their escorts/security detail convoys will descend on Batangas to deliver their VIPs for an out of town session of Congress while in many evacuation areas near it, the occupants are pondering on a bleak future wd their livelihood disrupted and homes destroyed,” anang isang viber user.
“Haha cgurado marami na namn mga EPAL at mga sipsip dun..at cgurado marami din mag seselfie na mga congs/congw dun🤣🤣…at yun isa dun para may drama kabayo sa taal vista ang sasakyan papunta dun hehe,” dagdag ng isa pa.
“It’s just a bogus display of compassion and sympathy,” komento naman ng isa pang viber user dahil hindi umano nito maisip kung ano ang magagawa ng special session para maiahon sa kanilang paghihirap ang mga biktima.
“What these people needs is food, compassion and love for those who are in dire need. Ano ang magagawa ng isang SPECIAL SESSION sa isang taong kumakalam ang sikmura. Mas kahanga hanga pa kung sa pagpunta nila may dala silang pagkain, mga damit at pagpapakita ng labis na pag-ibig sa isang taong nakalugmok sa ganoong sitwasyon,” dagdag pa ng isang nagkomento.
Maging sa Twitter ay binanatan din ang naturang hakbang ng Kamara at pinagdudahan ang totoong layunin ng mga kongresista.
MILYONES NA GASTOS
Tinataya naman ng isang mambabatas sa Kamara na hindi na nagpabanggit ng pangalan na milyones ang gastos sa special session sa Batangas City na puwedeng ginamit na lamang umano sana para maitulong sa evacuees.
“Milyon yan,” anang mambabatas dahil sa pagkain pa lamang aniya ay halos isang milyon na ang aabutin kung may 250 congressmen ang dadalo sa nasabing special session.
Sinabi ng source na mambabatas na kung sang isang congressman ay magdadala ng 5 staff sa nasabing special session ay 1,500 na ang mga ito at itinakda nito sa P500 bawat isa ang pagkain kaya aabutin na ito ng P750,000.
“Mga congressmen at staff pa lamang nila yan. Hindi pa kasama secretariats na kailangang sumama at yung mga support staff,” anang mambabatas kaya tinataya nito na aabot ng P1 milyon ang pagkain pa lamang.
Bukod dito ang transportation at logistic kaya malaki-laki umano ang gagastusin sa nasabing special session. BERNARD TAGUINOD
378