CHINESE SA ILLEGAL COVID HOSPITAL, IDE-DEPORT

SINIGURO ng Inter-Agency Task Force (IATF) na madi-deport ang mga Chinese national na nahuling nag-o-operate ng underground hospital sa clark, Pampanga kamakailan.

Kapwa sinabi nina Presidential spokesperson Harry Roque at Labor secretary Silvestre Bello III na ang sinomang dayuhang nahuling may nilabag na batas ng bansa ay siguradong mahaharap sa deportasyon bilang agarang aksyon ng gobyerno.

Aniya, sa kaso ng mga nahuling Chinese national, malinaw na may mga nalabag na batas ang mga ito, kabilang na ang ilegal na operasyon ng health facility, paggamit ng mga gamot na hindi aprubado ng Food and Drug Administration o FDA at panggagamot nang walang karampatang lisensiya.

Magkagayunman, ayon kay Sec. Roque, may proseso pang kailangang daanan sa pagpapa-deport ng mga dayuhan.

Ito aniya ay ang pagdedeklara ng gobyerno na sila ay undesirable alien o kung sila ay walang papel na nagsasabing pwede silang manatili sa bansa.

Magugunitang, may ilang Chinese nationals ang naaresto ng mga otoridad sa isang villa sa Fontana, Clark, Pampanga, na nag-o-operate ng makeshift hospital at nanggagamot ng kapwa nila Chinese na sinasabing tinamaan ng COVID-19. CHRISTIAN DALE

145

Related posts

Leave a Comment