CONFI FUND HEARING SA OVP, DEPED STOP NA

ITITIGIL na ng House committee on good government and public accountability ang kanilang imbestigasyon sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) dahil sa dalawang impeachment case na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang kinumpirma kahapon ng chair ng komite na si Manila Rep. Joel Chua kaya hindi na umano matutuloy ang imbestigasyon na unang itinakda ngayong araw, Lunes, bagkus ay ang mga mambabatas na lamang ang magpupulong.

“Kapag ito (impeachment vs VP Sara) ay inaksyunan na ng Kongreso, babagsak ito sa Committee on Justice. So, just the same, kung ano ‘yung mga complaint, kung ano ‘yung mga dapat sagutin, doon dapat sagutin,” ani Chua.

Kabilang sa nilalaman ng impeachment case na isinampa ng Civil Society at mga militanteng grupo ay may kaugnayan sa maling paggamit umano sa confidential funds ni Duterte sa OVP at maging sa DepEd na dati niyang pinamumunuan.

Base sa agenda ng komite, ang dalawang security officers ni Duterte na sina Col. Raymund Dante Lachica, commander ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) at Col. Dennis Nolasco na dating nakatalaga sa DepEd ang pinagbigyan ng confidential funds ng mga nasabing tanggapan.

Gayunpaman, dahil sa dalawang impeachment case na isinampa laban kay Duterte ay ipauubaya na lamang umano sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-iimbestiga sa mga ito.

“Hahayaan na namin ang AFP na mag-conduct ng investigation tungkol dito,” ayon pa kay Chua.

Lumabas sa imbestigasyon ng komite na ibinigay ni OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta kay Lachica ang confidential funds ng OVP habang ibinigay naman ni dating DepEd SDO Edward Fajarda ang pondo ng kanilang ahensya kay Nolasco at ang dalawang opisyal umano ang nag-disburse o nagbigay sa mga recipient. (BERNARD TAGUINOD)

48

Related posts

Leave a Comment