MAAARING makulong sa Batasan Complex ang mga opisyales ng National Telecommunications Commission (NTC) dahil sa pagsisinungaling at panloloko umano sa mababang kapulungan ng Kongreso,
Pasado ala-una ng hapon nitong Lunes, nang ipadala ng Kamara sa pamamagitan ng email ang kanilang kautusan kina NTC Commissioner Gamaliel A. Cordoba, Deputy Commissioners Edgardo Cabarios at Delilah Deles at Atty. Ella Blanca Lopez, head ng Legal branch ng NTC, na magpaliwanag sa loob ng 72-oras kung bakit hindi sila dapat i-contempt.
Kasunod ito ng cease and desist order (CDO) na inilabas ng NTC noong Mayo 5, laban sa ABS-CBN gayung nanumpa ang mga ito sa pagdinig ng House committee on legislative franchise na mag-iisyu sila ng temporary authority para hindi matigil ang operasyon ng nasabing network habang naka-pending ang kanilag prangkisa.
Unang sinabi ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na ang aksyon ng mga ito laban sa NTC ay walang kinalaman sa prangkisa ng ABS-CBN kundi dahil nagsinungaling umano ang mga ito sa Kongreso na isang uri ng panloloko.
“The act of the NTC constitutes undue interference on and disobedience to the exercise of the power of the House of Representatives, and therefore, an affront to its dignity and an inexecusable disrespect of its authority,” ayon sa kautsan ng Kamara sa NTC.
“Your failure to comply with this Order within the period prescribe will result in a finding against you for contempt of the House of Representatives and subject you to other actions that are within the power of House of Representatives to enforce. SO ORDERED,” bahagi pa ng kautusan ng Kamara.
MAGAGAYA SA ILOCOS 6?
Huling nagpa-contempt ang Kamara noong Hulyo 2017, panahon ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez laban sa anim na opisyales ng Ilocos Norte Provincial Government.
Naging dahilan ito para makulong ang tinaguriang Ilocos 6 sa Batasan Pambansa complex at posibleng matulad dito ang mga opisyales ng NTC kapag hindi nasiyahan ang Kamara sa kanilang magiging sagot. BERNARD TAGUINOD
