DAGDAG P1K SOCIAL PENSION SA SENIORS MAY PONDO NA

TINIYAK ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes na may pondo para sa P1,000 social pension ng may apat na milyong mahihirap na senior citizens sa bansa.

Ito anya ay batay na rin sa kumpirmasyon sa kanila ni Social Welfare Sec. Rex Gatchalian na nagsabing ang karagdagan P25.6 bilyon na kakailanganin para sa dobleng halaga ng pensyon ay huhugutin sa “unprogrammed funds” ng kagawaran.

Ipinagmalaki ng kongresista na naging matagumpay ang kanilang pagsisikap na matiyak na magkaroon ng pondo ang dagdag na pensyon.

Sa ngayon, sinabi ni Ordanes na hinihintay na lamang ni Gatchalian ang implementing rules and regulations (IRR) na magmumula sa National Commission of Senior Citizens (NCSC).

Sa impormasyon naman ni Ordanes, Agosto pa nang simulan ng NCSC, na pinamumunuan ni Chairman Franklin Quijano, ang pagbalangkas sa IRR.

“Ang kailangan na lamang talaga ay ang IRR mula sa NCSC para matanggap na ng mga indigent senior citizens ang dagdag nilang pensyon na matagal na nilang hinihintay,” pahayag ni Ordanes, na lumabas na TOP 10 sa performance rating sa hanay ng party-list representatives base sa RP-Mission and Development (RPMD) survey.

“Ang pagtitiwala sa amin ay higit pa namin susuklian ng mabilis at mapagkalingang serbisyo sa ating mga minamahal na senior citizens,” dagdag ng solon.

183

Related posts

Leave a Comment