DOH KINASTIGO SA P15.6-B NASIRANG COVID-19 VACCINES

KINASTIGO sa mababang kapulungan ng Kongreso ang Department of Health (DOH) sa nasayang na 31 million doses ng COVID-19 vaccines na nagkakahalaga ng P15.6 bilyon.

Dismayado si House assistant minority leader France Castro dahil mistulang balewala aniya sa ahensya ang mga nasirang COVID-19 vaccines gayung ibinaon ng nakaraang administrasyon sa utang ang sambayanang Pilipino sa pagbili ng sobra-sobra nito.

“This wastage is worth an estimated cost of P15.6 billion of the people’s money. Sa dulo, ang mamamayan ang nananatiling lugi sa mga nasayang na bakunang ito dahil bakuna na ito na maaari sanang mapakinabangan ng mamamayan,” ani Castro.

Ipinaliwanag ng mambabatas na buwis ng mamamayan ang ibabayad sa nasabing bakuna na inabutan ng expiration.

Nabatid na ang nasirang bakuna ay katumbas ng 12% sa 250.38 million doses na natanggap at binili ng gobyerno sa kasagsagan ng pandemya.

Lagpas na umano ito sa 10% na itinakda ng World Health Organization (WHO) na ‘vaccine wastage” o inaasahang masisira.

Ipinaalala rin ng mambabatas na noong Agosto ay kinalampag na ang DOH nang umabot sa 8% ang nasirang bakuna ngunit nabigo pa rin ang mga ito na paigtingin ang pagbabakuna.

“Hindi pa rin nalulubos ang vaccination at booster sa mga probinsya. Dapat lalong palakasin ng gobyerno ang kanyang kampanya para sa pagbabakuna at siguraduhing ang mamamayan na gusto at pwedeng mabakunahan ay magkakaron ng access sa mga bakunang ito,” ani Castro.

Inihain ni Castro ang House Resolution (HR) 179 para imbestigahan ang pagkasira ng mga bakuna. (BERNARD TAGUINOD)

21

Related posts

Leave a Comment