HINDI lang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang natapyasan ng pondo kundi maging ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni Senador Juan Edgardo Angara, chairman ng Senate committee on finance na kinaltasan ng P32.69 bilyon ang badyet ng DPWH mula sa P698.19 billion tungo sa P665.5 billion, tulad ng Anti-insurgency program ng pamahalaan na nabigong kumpletuhin ang proyekto.
Kahit malaki ang ibinawas na badyet, nananatiling nasa ikalawang puwesto ang DPWH sa top 10 agencies na may pinakamalalaking badyet para sa 2022 P5.02 billion national budget.
Nanguna sa listahan ang education sector na may badyet na P738.62 billion kasama ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHEd), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at State Universities and Colleges (SUCs).
Pangatlong nakakuha ng malaking badyet ang Department of Health (DOH) na P312.3 bilyon na kasama ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at lahat ng specialty hospitals ng gobyerno.
Ani Angara, binawasan ang lahat ng ahensiya at programa upang idagdag sa pondo ng pagamutan ng pamahalaan at pondohan ang special risk allowances (SRA) at iba pang benepisyo ng healthcare workers.
Kinaltasan din ng Angara committee ang badyet ng NTF-ELCAC partikular ang panukalang 2022 budget ng Barangay Development project mula sa P28.1 bilyon tungo sa P4 bilyon. (ESTONG REYES)
90