E-GASTPE NG DEPED PINASISIYASAT SA KAMARA

PINAIIMBESTIGAHAN sa mababang kapulungan ng Kongreso kung paano isinakatuparan ang Expanded-Government Assistance to Students and Teachers in Private Education o E-GASTPE ng Department of Education (DepEd).

Base sa House Resolution (HR) 2480 na inakda ng Makabayan bloc sa Kamara, inatasan ng mga ito ang mga kaukulang komite sa kapulungan para imbestigahan ang nasabing programa matapos ang nakadidismayang resulta ng special audit na isinagawa ng Commission on Audit (COA).

Ang GASTPE ay naglalayong mapaluwag ang mga public school sa pamamagitan ng pagsagot ng gobyerno sa tuition fees ng ilang mahihirap para makapag-aral ang mga ito sa pribadong paaralan.

“The Department of Education (DepEd) is the government agency tasked to implement the components of E-GASTPE, namely, Educational Service Contracting (ESC), Teachers’ Salary Subsidy (TSS), Senior High School Voucher Program (SHS VP), In-Service Training (INSET), and the Research Program,”ayon sa panukala.

Gayunpaman, sa 2018 performance audit ng COA sa nasabing programa partikular na sa ESC, TSS at SHS VP, mula 2012 hanggang 2018, naobserbahan ang limitadong impormasyon na nakuha ng mga ito sa DepEd.

Dahil dito, kailangan umanong imbestigahan ng Kamara ang DepEd upang matukoy kung maayos na naipatupad ang programa.

Mula 2012 hanggang 2021 ay umaabot na umano sa P236.3 billion ang ibinigay na pondo sa E-GASTPE at ngayong 2022 ay muli itong binigyan ng P28.4 Billion. (BERNARD TAGUINOD)

200

Related posts

Leave a Comment