FACE MASK, NAGKAUBUSAN

N95-2

PAHIRAPAN sa pagbili ng face mask ang publiko kahapon kasunod ng makapal na abong ibinuga ng Bulkang Taal.

Bukod sa nagkaubusan umano, pumalo rin ang presyo ng face mask mula sa dating P90 ay naging P200 partikular ang N95 na sinasabing naaangkop gamitin sa sitwasyon.

Bunsod ng mga reklamo, nagpakalat ng team ang Department of Trade and Industry (DTI) para bantayan ang presyuhan ng face mask sa merkado.

Sa abiso ng DTI, nakatangap sila ng sumbong na biglang nagmahal ang presyo ng N95 masks at gas masks sa mga tindahan.

Ayon sa DTI, ang sinomang mahuhuling nagpatupad ng hindi makatwirang pagtaas sa presyo ng face masks, gas masks at mga kahalintulad na produkto ay maparurusahan.

Kasabay nito ay tiniyak ng DTI na walang pagbabago sa suggested retail price ng mga pangunahing bilihin.

Bentahan sa Bulacan

Nauna rito, sa lalawigan ng Bulacan ay inireklamo ang pananamantala umano ng ilang negosyante sa sitwasyon kasunod ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Agad namang nagpalabas ng advisory ang DTI Bulacan laban sa mga retailer ng face at gas mask na maaari silang makasuhan sakaling mahuli na nagbebenta ng mataas sa itinakdang presyo.

Ayon kay DTI Bulacan Director Ernani Dionisio, ang sinomang mahuhuli na nagbebenta ng face at gas masks sa mataas na halaga o nagsasamantala sa demand nito ay siguradong makakasuhan.

Ayon kay Dionisio, nagtalaga at nag-dispatch na rin sila ng team na magmo-monitor at magbabantay sa paggalaw ng retail prices sa mga nabanggit na produkto.

DOH Code Blue

Isinailalim naman sa Code Blue Alert ng Department of Health (DOH) ang Region 4A o Calabarzon dulot ng sitwasyon ng Bulkang Taal.

Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo, sa ilalim ng naturang alerto, kailangang pumasok maging ang mga naka-day off na health workers.

Tiniyak din ni Domingo na sakaling kailanganin ay handa silang magpadala ng mga karagdagan pang tauhan mula sa Region 5 (Bicol Region) at National Capital Region (NCR).

Mahigpit naman ang babala ng DOH sa publiko laban sa masamang epekto sa kalusugan at buhay nang pagsabog ng bulkan, lalo na ng mga usok at abong ibinubuga nito.

Pinaalalahanan pa ng health official ang mga taong apektado ng ashfall na magsuot ng protective gear kung lalabas ng bahay gaya ng mask.

Babala pa ni Domingo, itinuturing na health risk ang ashfall, sa mga taong may hika at iba pang sakit sa baga.

Samantala, bukod sa nakaalerto ay nakaantabay rin ang lahat ng pasilidad ng Calabarzon at  mamimigay din ito ng libreng N95 facemask, eye drops at mga protection kits sa lahat ng mga apektadong residente sa rehiyon.

“All health facilities are ready to provide preventive measures on the possible effects caused by the volcanic eruption that may include traumatic injuries, burns, suffocation, skin diseases, eye injuries, respiratory problems, conjunctivitis and even death,” ayon kay Regional Director Eduardo C. Janairo sa ginawa nitong pakikipag-usap sa mga provincial health official at iba pang kinauukulan sa rehiyon.

Dagdag din ni Janairo na ipinakalat na nito ang lahat ng mga health emergency personnel, provincial health team leaders  at maging ang mental health teams  sa mga lugar na higit na nagangailangan ng serbisyong medikal.

Paliwanag ni Janairo, ang ashfall na dulot ng volcanic eruption ay mapanganib sa kalusugan at maaring magdulot ng pananakit o pangangati ng mata, ilong at lalamunan, hirap sa paghinga, pag-ubo at pangangati ng balat kaya ipinapayong manatili sa bahay. ELOISA SILVERIO, ANNIE PINEDA, SIGFRED ADSUARA 

129

Related posts

Leave a Comment