FIRST TRANCHE NG UMENTO SA GOV’T WORKERS TIYAK NGAYONG 2024

TINIYAK ng Department of Budget and Management (DBM) na maipatutupad na ngayong taon ang unang tranche ng umento sa sahod para sa mga government workers.

Inihayag ito ni Budget Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman sa isinigawang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) para sa House Committee on Appropriations, sa opisyal na pagsisimula ng deliberasyon ng House of Representatives sa proposed P6.352 trillion National Budget para sa 2025.

Kasama ang iba pang miyembro ng economic team ni President Ferdinand R. Marcos Jr., iprinisinta ng Kalihim ang key dimensions at highlights ng proposed National Budget para sa susunod na taon.

Matatandaang unang ibinahagi ng DBM na ang kinakailangang pondo sa pagpapatupad ng unang tranche ng SSL VI para mga empleyado ng national government sa 2024 ay tinatayang nasa higit-kumulang P36 billion.

Pinuri naman si Budget Secretary ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, na siyang nagtanong at humingi ng linaw tungkol sa implementasyon ng unang tranche ng SSL VI, lalo na para sa pagsasagawa ng Kalihim ng mahahalagang dayalogo kasama ang mga guro.

Hiwalay umanong nakipagpulong ang Kalihim noong nakaraang buwan sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Teachers’ Dignity Coalition (TDC) upang pag-usapan ang mga kritikal na isyu na nakaaapekto sa sektor ng edukasyon.

Samantala, ang inilabas na EO No. 64 na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay nagbibigay ng mas mataas na porsyento ng pagtaas ng suweldo sa mga propesyonal at sub-propesyonal na empleyado ng gobyerno, kumpara sa rate ng increase para sa mga nasa managerial, executive, at top leader na posisyon.

Magsisimula ang unang bahagi ng apat na tranche ng salary increase para sa mga national government employees ngayong taon, na retroactive mula January 2024. Susundan ito ng taunang salary adjustment simula January 2025 hanggang January 2027. (CHRISTIAN DALE)

56

Related posts

Leave a Comment