GASTOS NG GOBYERNO SA KURYENTE AT GAS PAPALO NG P100-B

(BERNARD TAGUINOD)

MATAAS man ang inflation o hindi, papalo sa P100 Billion ang utilities bill ng gobyerno hangga’t hindi nagpapatupad ng programa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para magtipid sa kuryente at gaas.

Babala ito ni Deputy Speaker Ralph Recto kay Marcos kaya inirekomenda nito na gumawa ng programa na mas epektibo kumpara sa “enercon campaign” na ginawa ng kanyang ama na si yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong Dekada 70.

“And if President Marcos Jr. wants tips on how to implement a campaign of recent vintage, he can get them from President Gloria Macapagal Arroyo whose two orders in 2004 successfully pared down electricity use in government offices,” rekomendasyon ni Recto.

Ayon sa mambabatas, nang tumaas ang presyo ng langis noong 1970s ay inilunsad ng matandang Marcos ang “enercon campaign” kung saan pinagtipid ng kuryente ang lahat ng ahensya ng gobyerno at nagtayo ng maraming planta.

Naulit aniya ang problema noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kaya naglabas ito ng Administrative Order (A.O.) 103 na nag-aatas sa lahat ng government offices na bawasan ng hanggang 10% ang kanilang fuel, electricity at iba pang utility expenses.

“It was followed by A.O. 110 which institutionalized a Government Energy Management Program,” ani Recto.

Naging epektibo aniya ang mga ito kaya dapat gayahin ni Marcos dahil kung hindi ay kukulangin ang P91 Billion na pambayad sa kuryente, gaas at tubig.

Sa ngayon ay ikinokonsidera aniya ng Marcos administration na muling ipatupad ang four-day work-week na trabaho sa gobyerno maliban sa mga security at medical forces.

Gayunpaman, dapat sabayan ito ng mga programa na magpapababa sa singil ng kuryente at tubig na hindi lamang gobyerno ang makikinabang kundi maging consumers.

Nais din ng mambabatas na ipatigil ang pagbibigay ng gas coupon sa mga pribadong grupo upang makatipid.

“You don’t cut back on police and military patrols. Pero ‘yung sistema na gas coupons na kahit pribado na sasakyan pwedeng makakuha, itigil na,” ayon pa kay Recto.

224

Related posts

Leave a Comment