GUSOT SA NCAP AT LGUs PINAPLANTSA NG LTO

PINAPLANTSA na ng Land Transportation Office (LTO) at limang local government units (LGUs) ang kontrobersyal na implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Sa ginanap na briefing ng Department of Transportation (DOtr) sa House Committee on Transportation ay sinabi ni LTO Chief Atty. Teofilo Guadiz III na layunin ng pulong na maplantsa ang gusot sa pagpapatupad ng NCAP tulad ng halaga ng multa at kung sino ang dapat pagmultahin.

Binanggit din ni Guadiz na kasama sa rekomendasyon ng LTO – Technical Working Group ang pagkakaroon ng module na nagsasaad na ang multa sa paglabag ng pampublikong sasakyan ay sa driver ipapataw at hindi sa operator pero mas mababa ang halaga.

Iminumungkahi rin ng LTO na i-ayon ng LGUs ang panuntunan nila sa Metro Manila Development Authority (MMDA) kung saan higit na mas mababa ang multa.

Sa pagdinig ay nilinaw naman ni Transportation Assistant Secretary Marke Steve Pastor, na hindi polisiya ng LTO ang NCAP.

Paliwanag ni Pastor, ipinatutupad lang ng LTO ang ordinansa ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR) ukol sa implementasyon ng NCAP.

Matatandaan na hinikayat ng LTO chief ang LGUs na nagpapatupad ng NCAP na suspendihin muna ang polisiya at makipagpulong sa ahensya upang maplantsa ang mga panuntunan kabilang na ang inirereklamo ng mga operator ng pampublikong sasakyan na sila ang naoobligang magbayad ng multa sa paglabag ng kanilang mga drayber. (LILY REYES)

119

Related posts

Leave a Comment