(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
“IMBESTIGAHAN n’yo sarili n’yo!”
Ito ang pahayag ng Partido Lakas ng Masa kaugnay sa ikinasang imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso patungkol sa P7.2 trilyong utang noong administrasyong Duterte.
Naniniwala ang grupo ng mga manggagawa na gagamitin lamang ng mga mambabatas sa grandstanding ang nasabing pagdinig.
Kung mayroon man anilang dapat imbestigahan, walang iba kundi silang mga mambabatas na nag-apruba sa naturang mga pag-utang.
“Mga hangal! Sino nga ba ang nagbigay ng absolutong kapangyarihan para mangutang at gumastos ang butangerong pangulo noong pandemya? Sino pa kundi ang mismong [Se]nado’t
Kongreso!” bahagi ng pahayag ni Ka Leody De Guzman, pangulo ng Partido Lakas ng Masa.
Tila ipinaalala rin niya na tuwang-tuwa pa noon ang mga mambabatas dahil ang bilyun-bilyong ayuda ay sa kanila ring mga makinarya pinadaloy na tumagos hanggang barangay.
“Ang paggamit sa kaban ng bayan sa sariling political interes ay modus operandi ng “patronage politics” na kabisado ng mga political dynasty. Ang kailangan ay audit at review para matuklasan ang mga “illegitimate debt”, hindi imbestigasyon na “in aid of grandstanding by legislators”. Sapagkat hindi totoong pag-aayos sa pangungutang ang motibo ng ilang mambabatas,” paliwanag pa ni Ka Leody.
Dagdag pa niya, maaaring gagamitin lang ng Kongreso ang mga lehitimong usapin ng taumbayan para sa alitan ng mga Marcos at Duterte.
Kasabay nito, iminungkahi ng grupo na ilunsad ang “citizen’s debt audit” para mapag-aralan ang mga inutang ng gobyerno. Para rin anila malaman kung anong mga utang ang maaring ipakansela o pagaanin ang sistema ng pagbabayad mula sa mga kreditor. Marami na anilang mga bansa ang nakakuha ng “cancellation” sa mga “illegitimate debt”.
33