ANG National Telecommunications Commission (NTC) ang gagawa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng SIM Registration Act na inaasahang matatapos sa loob ng 60 araw.
Makakatuwang ng NTC ang partner agencies nito.
Nitong Lunes ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing batas.
Ang Republic Act No. 11934, o mas kilala bilang SIM Registration Act ay naglalayong gawing accountable ang mga may-ari ng SIM sa paggamit ng kanilang telepono at oobligahin din silang iparehistro ito sa kanilang pangalan.
“Within 60 days, ang NTC po ang siyang tatapos ng IRR, but kasama po namin ang maraming opisina ng gobyerno,” ayon kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba. Ang paglikha ng IRR ay sasailalim sa kontrol at superbisyon ng Department of Information and Communications Technology (DICT), subalit NTC ang makikipagtulungan sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at National Privacy Commission (NPC).
“This newly-signed law will help resolve the ongoing problem of rampant text scams and spams which have been troubling mobile users since January 2020,” ayon kay Cordoba.
“No privacy will be breached or abused under this new measure, reiterating that NTC will work with NPC to ensure that the public’s privacy will be protected,” pagtiyak ni Cordoba sa mga Pilipino.
“Ibibigay niyo po ang inyong government-issued ID, pangalan, at tirahan, [pero] sisiguraduhin po natin na ang privacy ng ating mga subscribers ay hindi mapapakialaman. ‘Yan po ang kabilin-bilinan ng ating Pangulo – na siguraduhin na ang mga private data ay hindi makukuha ng masasamang loob,” wika pa nito. (CHRISTIAN DALE)
191
