JEFFREY CELIS KULONG SA KAMARA

DAHIL sa patuloy na pagtangging isiwalat ang kanyang source ukol sa P1.8 billion travel expenses umano ni House Speaker Martin Romualdez, pina-contempt ng House committee on legislative franchise ang kontrobersyal na broadcaster ng Sonshine Media Network International (SMNI) na si Jeffrey Celis.

Sa motion ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na sinegundahan ni Batangas Rep. Gerville Luistro, inaprubahan ng komite ang pag-contempt kay Celiz na co-host ni dating Presidential Communication Office Undersecretary at spokesman ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lorraine Badoy sa programa ng mga ito na “Laban Kasama ang Bayan” sa SMNI.

“I moved to detain Mr. Celis for he cite in contempt until the adoption of committee report in the plenary at the plenary session, so I moved Mr. Chair,” ani Pimentel na inaprubahan naman ng chairman ng komite na si Parañaque Rep. Gus Tambunting.

Nangangahulugan na maaaring makulong si Celis sa Batasan Pambansa Complex hangga’t hindi nadedesisyunan kung babawiin o hindi ang prangkisa ng Swar Sug Media Corporation na corporate partner umano ng SMNI.

Ayon kay Pimentel, dalawang beses nilabag ni Celis ang Section 11 ng House Rules dahil bukod sa hindi nito sinasabi ang kanyang source ay binastos nito ang kapulungan nang sabihin na “this is not above the law”.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite hinggil sa maaaring paglabag umano ng SMNI sa kanilang prangkisa, muling tinanong ni Quezon Rep. Jayjay Suarez si Celis kung sino ang kanyang source sa P1.8 billion na travel expenses umano ni Romualdez na kalaunan ay natuklasang mahigit P4 million lamang at kung isasama ang mga gastos ng lahat ng mga mambabatas sa biyahe ay P35 million lamang.

Tulad ng inaasahan, tumanggi si Celis na sabihin ang kanyang source dahil nakasaad umano sa Sotto Law na kailangang protektahan ng mga mamamahayag ang kanilang source kaya pumasok si Navotas Rep. Toby Tiangco at inalok ito na pangalanan na lamang ito sa executive session subalit umayaw ang nagpakilalang dating miyembro ng New People’s Army (NPA).

Pinaalalahanan din ni Suarez si Celis na maaaring mag-imbestiga ang Senado sa usaping ito dahil una nang inamin ng umano’y broadcaster na taga-Senado ang kanyang source ukol sa P1.8 billion travel expenses ni Romualdez.

(BERNARD TAGUINOD)

67

Related posts

Leave a Comment