Kauna-unahang ginto ng Pilipinas sa Olympics makalipas ang 97 taon SALAMAT HIDILYN!

0

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

BUMUHOS ang pagbati at pasasalamat kay Hidilyn Diaz matapos nitong masungkit ang kauna-unahang Olympic gold medal at wakasan ang 97 taon ng pag-asam dito ng Pilipinas.

Luha ng kasiyahan

Inilarawan nina Senador Sonny Angara at Grace Poe bilang makasaysayang pagluha ng kasiyahan ang pagkapanalo ni Hidilyn sa kabila ng mahinang suporta ng pamahalaan.

Sa magkakahiwalay na pahayag, kapwa nagpasalamat sina Angara at Poe kay Diaz sa pagbibigay ng karangalan sa Pilipinas.

Ayon kay Angara, pawang makasaysayan ang pagkapanalo ni Diaz dahil bukod sa kauna-unahang gintong medalya, nalampasan din niya ang sariling record sa pagkapanalo ng silver sa Rio De Janeiro, Brazil noong 2016.

“Mabuhay siya! Nilampasan pa niya ang achievement niyang silver sa Rio. Nakaukit ang pangalan niya sa kasaysayan ng Pilipinas dahil sa kauna unahang gold medal 🥇 ng bansa. Congrats sa kanya, sa coaches niya, mga taga Zamboanga, at sa buong bansa na binigyan niya ng rason [mag-celebrate] at matuwa at magkaisa!” dagdag ni Angara.

Para naman kay Poe, nagpasalamat ang senadora kay Diaz sa paghahatid ng karangalan sa bansa sa unang pagkakataon na magwagi sa weightlifting event sa Tokyo 2020 Olympics.

“Sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, we shed tears of joy. Salamat, Hidilyn, sa makasaysayang tagumpay at karangalang ibinigay mo sa bansa at sa bawat Pilipino,” ayon kay Poe.

Kaugnay nito, bilang pangunahing awtor at isponsor ng Republic Act 10699 or the National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act na nilagdaan ni dating Pangulong Aquino noong 2015, sinabi ni Angara na makatatanggap si Diaz at kanyang coaches ng cash rewards.

Pararangalan

Nagkaisa naman sina Senador Manuel “Lito” Lapid at Senador Risa Hontiveros na bigyan ng pagkilala ng Senado si Diaz dahil tinugon nito ang matagal nang inaasam ng Pilipinas na magkaroon ng gintong medalya sa Olympics.

Sa inihaing PSR No. 800 ni Lapid, natapos na ang ilang dekadang pagkagutom ng Pilipinas sa Olympic gold medal at tanging si Diaz ang nagbigay ng sagot.

Sa Senate Resolution No. 798 naman ni Hontiveros, chairman ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, karapat-dapat lamang na parangalan si Diaz na bukod sa kakaibang galing nito ay itinaas din nito ang pagiging babae.

Maging sa Kamara ay nagbunyi ang mga mambabatas at nagpaabot ng pasasalamat kay Hidilyn.

“You made history and we are super proud of you! Muchisimas gracias for your hard work in bringing home our FIRST-EVER OLYMPIC GOLD MEDAL,” ayon kay  Zamboanga City Rep. Mannix Dalipe na naghain din ng resolusyon para bigyang parangal ang kababayan.

“Salamat Hidilyn, binuhat mo sa iyong balikat ang buong sambayanan Pilipino! Isa kang maituturing na bayani sa larangan ng isports. Mabuhay ang mga kababaihan!,” ayon naman kay Deputy Speaker Bernadette Herrera.

Maging ang kinatawan ng kababaihan sa Kamara na si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ay walang hanggan ang pasasalamat kay Diaz dahil sa gitna ng kalungkutan at pagkadismaya ng sambayanang Filipino sa gobyerno ay binigyan nito ng pag-asa at pinangiti ang kanyang mga kababayan.

“She has made Filipino women and the people extremely proud, lifting our spirits high on the same day the chief executive let us all down with his winding empty speech,” ani Brosas na ang tinutukoy ay ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Our heartfelt congratulations to Filipino weightlifter Hidilyn Diaz for her historic gold medal win in the 2020 Tokyo Summer Olympics. Thank you for claiming the country’s first Olympic gold medal. You have made us all proud!,” ayon naman kay Speaker Lord Allan Velasco.

Commissioned officer

Samantala, iminungkahi ni Senador Panfilo Lacson sa liderato ng Philippine Air Force (PAF), na gawing commissioned officer si Hidilyn kung papayagan ng batas at regulasyon ng AFP.

“As chairman of the Senate Committee on National Defense and Security, I would strongly recommend to the AFP leadership that she be given a rank as a commissioned officer of the PAF. It’s the least the service can give her,” banggit ni Lacson sa panayam sa CNN Philippines.

“Such a commission – either as a reserve or regular officer – is not just in recognition of her extraordinary feat, but also in recognition of her great potential to provide a good example to her fellow soldiers both as an athlete and as a leader,” banggit ng mambabatas.

Binati rin ng Malacañang

Kaisa rin ang Palasyo ng Malakanyang sa pagbati kay Hidilyn sa natamong tagumpay sa olimpiyada.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang buong sambayanang Filipino ay proud kay Hidilyn.

“The Palace congratulates Hidilyn Diaz for bringing pride and glory to the Philippines for winning the country’s first-ever Olympic gold medal (weightlifting women’s 55kg). Congratulations, Hidilyn. The entire Filipino nation is proud of you. Laban, Pilipinas!” ayon kay Sec. Roque.

Ito ang kauna-unahang gold medal ng Pilipinas mula nang sumabak sa Olympics noong 1924.

Hidilyn Diaz, ‘immortal’

Para naman kay House Majority leader Martin Romualdez, magiging imortal na ang pangalan ni Hidilyn sa kasaysayan ng bansa partikular na sa mundo ng palakasan dahil sa unang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics.

“Hidilyn Diaz is now a national treasure. Her name will be immortalized as the first Filipino to win a gold medal in the Olympics.

Hidilyn’s victory showcased the spirit of the Filipino to persevere against all odds,” ani Romualdez.

Hero’s welcome

“We have a hero’s welcome waiting for her when she comes home,” pagtiyak naman ni Deputy Speaker Mikee Romero na kasama sa nangakong magbibigay ng P3 million sa bawat atleta na makapag-uuwi ng gintong medalya.

“Hidilyn’s Olympic gold is exactly the morale boost our country needs right now as we wage the war against COVID-19 and get our country back on the road to economic recovery,” ayon pa kay Romero.

Natupad na pangako

Sa kanyang panalo, natupad ni Hidilyn Diaz ang sinumpaang pangako na sisikapin at iaalay ang kanyang panalo sa lahat ng biktima ng bumagsak na PAF C-130 cargo plane kamakailan.

Agad naman nagpahatid ng pagbati ang Department of National Defense; Armed Forces of the Philippines at pamunuan ng Philippine Air Force kay Sergeant Hidilyn Diaz.

“Her success is a testament to the unwavering spirit of the Filipino to rise above all odds, ani DND Sec. Delfin Lorenzana.

“Her masterful performance in the Tokyo 2020 Olympics, where she also set an Olympic record in the 55kg division, brought pride and glory to the AFP and the country,” bahagi naman ng pagbati ani AFP chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana.

Habang ang buong pwersa ng Philippine Air Force sa pangunguna ni PAF Commanding General, LTGen. Allen T Paredes ay nagpahayag ng “We wish her the best moving forward. Soar high, airwoman!”

Bukod kay Hidilyn, nangako rin ang kapwa Olympian na kasapi ng PAF na si Eumir Felix Marcial na iaalay nila ang kanilang panalo sa kanilang mga kasamahang nasawi sa C-130 crash.

Sa kanilang pahayag bago tumulak ng Japan, sinabi ng dalawa na, “We offer our best performance in our respective events to our countrymen and our fellow soldiers, especially those who suffered in the tragic C-130 plane crash.”

Noong 2019, isinama ng Malakanyang sa pamamagitan ng noon ay Presidential spokesman at ngayon ay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo si Hidilyn sa mga nais umanong pabagsakin ang administrasyong Duterte.

Nagulat at natawa na lang noon si Diaz at sinabing sobrang busy siya sa kanyang training at wala siyang panahon sa iba pang mga bagay. (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES/NOEL ABUEL/CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment