PINAG-IINGAT ng Philippine National Police (PNP) ang publiko sa inaasahang paglitaw ng iba’t ibang modus operandi ng criminal elements ngayon panahon ng Kapaskuhan.
Isa sa mga babala ng PNP ang inaasahang pagpapakalat ng mga pekeng peso bill na kadalasan ay inilalabas ng sindikato sa panahon ng kapaskuhan na isinasabay sa paglabas ng bagong banknotes.
Payo ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, agad idulog sa pinakamalapit na police station kapag nabiktima o napasahan ng pekeng pera para magawan ng kaukulang aksyon at mahuli ang nasa likod nito.
Paalala pa ng PNP sa publiko na suriing mabuti ang safety features ng mga perang papel kabilang na ang watermark at serial number.
Ang iba pang modus ng mga sindikato ay laglag barya, basag-kotse, street crimes gaya ng snatching, theft at robbery.
Kaya naman mahigpit ang paalala ng PNP sa publiko na gawin ang ibayong pag-iingat at kung maaari ay magdala lamang ng sapat na perang ipambibili ng mga pangangailangan para sa okasyon.
Payo rin ng PNP, huwag nang magsuot ng mamahaling alahas o ilabas at i-display ang mga kagamitang mainit sa mata ng mga magnanakaw.
Dahil kadalasang tumataas ang kaso ng robbery at theft tuwing holiday season, una nang inatasan ni PNP Chief P/Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang mga kawani ng PNP na paigtingin pa ang police visibility sa matataong lugar.
Samantala, sa darating na December 15 ay paiiralin ng pambansang pulisya ang full alert na magtatagal hanggang January 18, 2023.
Ani Fajardo, pansamantala ring kakanselahin ang leave ng mga pulis simula December 15 hanggang January 10 bilang pagsunod sa atas ni PNP Chief Azurin Jr. na tiyakin ang maximum deployment ng pulisya upang masiguro ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa panahon ng Kapaskuhan. (JESSE KABEL RUIZ)
