HAHALUKAYIN na sa mababang kapulungan ng Kongreso ang mga labor violation umano ng ABS-CBN kasama na ang totoong bilang ng kanilang empleyado dahil hindi makapaniwala ang mga mambabatas na umaabot sa 11,000 ang kanilang pinasusuweldo.
Ngayong araw, Martes ay ipagpapatuloy ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability ang pagdinig sa prangkisa at paglabag ng ABS-CBN sa batas.
Noong Miyerkoles, inatasan ni Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado ang ABS-CBN na isumite na ang mga dokumentong hinihingi ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta tulad ng bilang ng labor cases na isinampa sa nasabing network ng kanilang mga dating empleyado.
Kabilang din sa mga ipinasusumite ng dalawang komite ang alpha list ng binabayaran ng ABS-CBN Corporation sa Social Security System (SSS), PhilHealth, Pag-IBIG fund dahil dito makikita kung ilan talaga ang tunay na empleyado ng nasabing network.
Magugunita na ipinangangalandakan ng ABS-CBN na 11,000 ang kanilang empleyado subalit ayon kay Marcoleta, umaabot lamang umano sa 2,661 ang tunay na empleyado ng network.
Ang natitirang mahigit 8,5000 na sinasabi aniya ng ABS-CBN na empleyado ay contractual employees na walang nakukuhang kompensasyon sa kumpanya dahil hindi hinuhulugan ang kanilang SSS, PhilHealth at Pag-IBIG funds.
“That’s why we want the alpha list or else we will summoned the documents [sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG],” ani Marcoleta.
Kasama rin sa inaasahang uuriratin ng mga mambabatas ang patuloy na pagbabalewala umano ng ABS-CBN sa panalo ng kanilang mga empleyado sa National Labor Relations Commission (NLRC) at Court of Appeals (CA) dahil inakyat ng kumpanya ang kaso sa Korte Suprema.
Subalit bago ito, ipagpapatuloy ng dalawang komite ang pag-usisa sa multiple channel umano ng ABS-CBN dahil posibleng paglabag ito sa kanilang prangkisa.
Noong nakaraang linggo, hindi natalakay ang nasabing usapin dahil naubos ang oras ng mga mambabatas sa usapin ng ownership ng mga Lopez sa nasabing kumpanya. BERNARD TAGUINOD
