LIBONG PULIS IKAKALAT SA ARAW NG KALAYAAN

BILANG paggunita sa Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, mahigit 1,300 mga miyembro ng Manila Police District ang magmamasid sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo nito sa bansa.

Iniulat ni Police Major Philipp Ines ng Public Information Office (PIO), kabi-kabila ang isasagawang mga aktibidad sa lungsod ng Maynila sa Lunes, Hunyo 12, ayon sa anunsyo ni MPD Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon, ang tinaguriang “The Game Changer”.

Kasama rito ang nakalatag na Independence Day program sa Rizal Park at Quirino Grandstand, na posibleng puntahan ng matataas na mga opisyal ng pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Gayunman, inaasahan din ng MPD ang pagdagsa ang mga grupo na magsasagawa ng kilos-protesta sa iba’t ibang lugar.

Ayon kay General Dizon, nasa 1,363 mga pulis ang ipakakalat sa lungsod upang matiyak ang seguridad, kapayapaan at kaligtasan ng mga makikibahagi sa selebrasyon.

Partikular na babantayan ng mga pulis ang mga lugar kung saan may mga aktibidad at inaasahang dadagsain ng mga tao.

Pakiusap naman ng heneral sa mga grupo na magsasagawa ng kilos protesta sa Araw ng Kalayaan — sumunod sa napag-usapang oras at lugar patungkol sa kanilang gagawing rally at huwag maging sagabal sa mga motorista at publiko; at huwag mag-vandalize sa iba’t ibang istruktura, pampubliko man o pampribado.

Pahayag pa ni General Dizon, paiiralin pa rin ang “No Permit No Rally”. (RENE CRISOSTOMO)

478

Related posts

Leave a Comment