HINIMOK ni Senador Robin Padilla ang lahat ng mga Pilipino na sumali sa tinawag nitong ‘Army ni Fidel’ para sa ikauunlad ng bayan.
Ang tinutukoy na ‘army’ ni Padilla ay ang mga nagnanais na ipagpatuloy ang mga programang sinimulan ni dating Pangulong Fidel Ramos.
“Sa atin pong pamamaalam sa ating dating Pangulong FVR, huwag nating kalimutan na susugan at isapuso ang kanyang naumpisahan tungo pangkalahatang kabutihan ng sambayanan; tayo po ay tumindig bilang mga kasapi ng Army ni Fidel,” saad ni Padilla.
“Ang pinakamainam na parangal kay Pangulong FVR ay ang pagpatuloy natin sa kanyang naumpisahan,” dagdag nito.
Bukod sa pakikidalamhati, pagpupugay ang ipinaabot ni Padilla sa alaala ni Ramos bilang magiting na heneral, beterano, Ama ng Muslim Mindanao at pinuno ng ating Inang Bayan.
Idinagdag ng mambabatas na hindi dapat mabaon sa limot ang nagawa ni Ramos para sa kapayapaan sa Muslim Mindanao, at para sa ating ekonomiya.
Idiniin din niya na dapat ituloy ang mapayapang rebolusyonaryong pagbabago, kasama ang pagrebiso sa Saligang Batas, hindi para magpalawig ng termino ng halal na opisyal kundi para isulong ang pag-unlad na inaasam ng bawa’t Pilipino.
Isinusulong ni Padilla ang federal at parliamentary system para mabigyan ng sapat na kapangyarihan ang lokal na pamahalaan para tumugon sa problema ng kanilang sinasakupan.(Dang Samson-Garcia)
88