MAS maraming Pinoy ang nagsabi na sila ay “mahirap” sa third quarter ng 2024, base sa survey ng Social Weather Stations (SWS) mula Sept. 14 hanggang 23.
Sa inilabas na report ng SWS, araw ng Miyerkoles, Oktubre 9, natuklasan ng SWS na may 59% ng mga pamilyang Pilipino ang kinokonsidera ang kanilang mga sarili bilang ‘mahirap’. May 13% naman ang kinilala bilang “borderline” (inilagay ang kanilang sarili sa pagitan ng mahirap at hindi mahirap) at 28% naman ang ni-rate ang kanilang mga sarili bilang “hindi mahirap”.
Ang porsiyento ng pamilyang kinikilala bilang mahirap ay tumaas sa 59% noong September 2024 (16.3 milyong pamilya), mula 58% (16 milyong pamilya) noong June 2024.
Sinabi ng SWS na ito ang pinakamataas na antas ng self-rated poverty simula June 2008.
Sa isinagawang September survey, tinanong ng SWS ang self-rated poor families kung sila ay naging non-poor (hindi mahirap o borderline).
Makikita sa resulta na 9.1% ang naging non-poor, isa hanggang apat na taon na ang nakalipas (bagong mahirap), 8.1% ang naging non-poor sa loob ng lima o higit pang taon na ang nakararaan (kadalasan ay mahirap) at 41.5% ang hindi nakaranas ng pagiging non-poor (palaging mahirap).
Sinasabing, sa 16.3 milyong self-rated poor families noong Setyembre, 2.5 milyon ang bagong mahirap, 2.3 milyon naman ang kadalasan mahirap at 11.5 milyon ang palaging mahirap.
Tinanong din ng SWS ang mga self-rated non-poor families (borderline o hindi mahirap) kung naranasan din ng mga ito na maging mahirap.
Sa mga pamilyang ito, 4.4% ang naging mahirap ng isa hanggang apat na taon na ang nakararaan (bagong non-poor), 12.3% naman ang naging mahirap sa loob ng lima o higit pang nakalipas na taon (kadalasang non-poor), at 14.5% ay hindi naging mahirap ( palaging non-poor).
Sa 11.5 million self-rated non-poor families noong September 2024, may 4 milyon ang newly non-poor, 3.4 milyon naman ang kadalasang non-poor, at 4 million ang palaging non-poor.
Ipinagpalagay naman ng SWS ang isang puntos na pagtaas sa nationwide self-rated poverty mula June hanggang September sa isang ‘sharp increase’ sa Metro Manila, pinagsamang bahagyang pagtaas sa Balance Luzon, o Luzon sa labas ng Metro Manila, at bahagyang pagbaba sa Visayas at Mindanao.
Buwan ng Setyembre, pinakamataas ang self-rated poverty sa Mindanao na may 67%, sinundan ng Visayas na may 62%, Balance Luzon na may 55% at Metro Manila na may 52%.
Kumpara sa buwan ng Hunyo, ang self-rated poverty ay tumaas ng 13% sa Metro Manila ( mula 39%), at tatlong puntos sa Balance Luzon ( mula 52%).
Samantala, bumaba naman ng limang puntos sa Visayas (mua 67%) at apat na puntos sa Mindanao (mula 71%).
Ang Third Quarter 2024 Social Weather Survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews na may 1,500 adults, may edad na 18 at pagtaas sa buong bansa. (CHRISTIAN DALE)
86