TINAWAG na panibagong kahihiyan sa paliparan ng bansa ang nag-viral na insidente ng pagnanakaw sa isang Thai national habang dumaraan sa baggage inspection section sa Ninoy Aquino International Airport.
Sinabi ni Senador Grace Poe na nakagagalit ang insidente at kinakailangang magpaliwanag dito ang Manila International Airport Authority kasabay ng pagsasabing para sa kanya ay hindi sapat na suspensyon lamang ang igawad sa mga sangkot sa insidente.
Iginiit ni Poe na dapat sampahan ng kasong kriminal ang mga mapatutunayang nagnanakaw sa turistang banyaga.
Dapat din anyang ipakita ng MIAA ang actual CCTV footage sa naturang area upang malaman kung paano nangyayari ang pagnanakaw.
Sa gitna anya ng paghikayat natin sa mga turista na bumisita sa Pilipinas ay hindi katanggap-tanggap na mabiktima ng krimen sa bansa ang isang turista.
Aalamin ni Poe sa MIAA kung ilan na ang insidente ng pagnanakaw ang naireport sa paliparan at aalamin ang naging aksyon ng mga awtoridad dito.
Kinumpirma ni Poe na maging ang kanyang staff ay nabiktima na pagnanakaw sa NAIA kung saan nawala ang Apple watch nito habang dumaraan sa inspection area. (Dang Samson-Garcia)
