DAHIL may pakiramdam na niloloko na lamang umano ang Quad Committee, inisyuhan ng show cause order ang abogado ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Martin Delgra III.
Sa mosyon ng isa sa chair ng komite na si Rep. Joseph Stephen Paduano, iginiit nito na isyuhan ng show cause order si Delgra para pagpaliwanagin dahil sa unang sulat nito sa komite noong October 22, na nangako ito na dadalo ang kanyang kliyente pagkatapos ng Undas.
Gayunpaman, sa ikalawang sulat ni Delgra sa komite, kinumpirma nito na hindi na dadalo sa Quad Comm hearing ang kanyang kliyente dahil duda na ang dating Pangulo sa “integrity, independence and probity”.
“Now Mr. chair looking at the answer, looking at the reply of Atty. Delgra on the first hearing when in fact Mr. Chair naglolokohan tayo dito,” ang galit na pahayag ni Paduano kaya nagmosyon ito na isyuhan ng show cause order ang nasabing abogado.
Unang tinutulan ni Bukidnon Rep. Keith Flores ang mosyon ni Paduano subalit kalaunan ay binawi nito kaya inaprubahan ito ng lead chairman ng komite na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Sinabi naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na kailangang humarap si Delgra sa Quad Comm, para matanong ito kung anong testimonya ni Duterte sa Senado ang biro at seryoso matapos irekomenda ng dating pangulo na kumuha na lamang ng transcript sa Senado hinggil sa war on drugs.
Bukod kay Delgra, inaprubahan din ng komite ang mosyon ni Antipolo City Rep. Romeo Acop na isyuhan ng show cause order si Police Col. Hector Grijaldo matapos hindi ito dumalo sa pagdinig kahapon. (BERNARD TAGUINOD)
73