No show sa gentleman’s deal hearing ‘DUTERTE BOYS’ IWAS-PUSOY

DUDA ang isang kongresista na umiwas ang ilang matataas na opisyal ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng Kamara sa umano’y gentleman’s agreement sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa kabiguan nilang magsidalo.

Kahapon ay sinimulan ng House special committee na pinamumunuan ni Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II at defense and security committee na pinangunahan ni Iloilo Rep. Raul Tupas ang pagdinig ngunit nadismaya sina Zambales Rep. Jefferson Khonghun at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel dahil sa hindi pagdating ng mga ‘actor” umano sa nakaraang administrasyon.

“Nakakaramdam po ang inyong lingkod na para bang umiiwas yung ating mga opisyales ng nakaraang administrasyon dahil halos walang nagpunta sa kanila at lahat sila ay merong excuses Mr. Chairman,” ani Khonghun.

Ang tinutukoy ng mambabatas, sina dating National Security Adviser Hermogenes Esperon, dating Defense Secretary Delfin Lorenzana at dating Executive Secretary Salvador Medialdea na bagama’t pinadalhan ng imbitasyon ay hindi dumating.

Tanging si Medialdea ang nagpadala ng kinatawan para ipaalam sa komite na hindi ito makadadalo.

“I certainly believed that if we want to enlighten on this subject matter, those important personalities should be here because the present resource persons could not answer our question,” ayon naman kay Pimentel.

Lahat ng mga kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ), Department of Foreign Affairs (DFA), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pa ay pawang nagsabi na wala silang personal na nalalaman o kaya record hinggil sa gentleman’s agreement sa pagitan nina Duterte at Chinese President Xi Jinping.

Inatasan naman ni ACT party-list Rep. France Castro ang DFA na isumite sa komite ang lahat ng mga kasama ni Duterte sa state visit sa China kung saan hinihinalang nagkaroon ng verbal agreement ang dalawang lider. (BERNARD TAGUINOD)

52

Related posts

Leave a Comment