ODD-EVEN SCHEME INAARAL KONTRA TRAPIK

IPINANUKALA ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang tatlong number coding schemes para malunasan ang matinding trapiko sa National Capital Region (NCR).

Sinabi ni MMDA general manager Romando Artes na ang paggamit ng odd-even scheme at modified number coding scheme, ay bukas sa kasalukuyang sistema.

Sa ilalim ng odd-even scheme, ang mga sasakyan na may license plates na nagtatapos sa ‘odd numbers’ ay pagbabawalan na gumamit ng ilang lansangan tuwing Lunes at Huwebes habang ang mga may license plates naman na nagtatapos sa ‘even numbers’ ay pagbabawalan tuwing Martes at Biyernes.

Bilang pagsunod sa modified number coding scheme, ang mga sasakyan na may license plates na nagtatapos sa 1, 2, 3, at 4 ay kailangan na ‘off the road’ tuwing Lunes; 5, 6, 7, 8 tuwing Martes ; 9, 0, 1, 2 tuwing Miyerkoles; 3, 4, 5, 6 tuwing Huwebes at 7, 8, 9, 0 tuwing Biyernes.

Sa ilalim ng kasalukuyang scheme, ang mga sasakyan na mayroong license plates na nagtatapos sa 1 at 2 ay kailangan na manatili sa bahay tuwing Lunes; 3 at 4 tuwing Martes; 5 at 6 tuwing Miyerkoles; 7 at 8 Huwebes; at 9 at 0 Biyernes.

“odd-even scheme will result in 50 percent traffic volume reduction, while the modified number-coding scheme was pegged at 40 percent and the current system at 20 percent,” ayon kay Artes.
Ang lahat ng coding schemes ay ipatutupad mula alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.

Sa kabilang dako, ipinanukala rin ni Artes na ang mga tanggapan ng pamahalaan sa Kalakhang Maynila ay maaaring mag-operate mula alas- 7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon bilang pagsunod sa sinasabing “daylight saving time.”

Ipinanukala rin nito ang 4-day work week, kung saan ang mga empleyado ay maaaring magtrabaho ng 10 oras para sa apat na araw kada linggo o maaaring magtrabaho ng apat na araw ‘onsite at ‘work at home’ para sa isa pang araw.

Nauna rito, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua na ang panukalang work scheme ay tugon sa hirit ng labor groups na pagpapagaan sa tumataas na presyo ng produktong petrolyo na matindi ang epekto sa mga mananakay.

Subalit, kinontra ito ng adviser ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil ang panukalang four-day work week o hybrid work scheme ay hindi umano “suitable” o angkop sa lahat ng uri ng negosyo.

Samantala, positibo ang pagtugon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa panukalang magpatupad ng ‘daylight saving time’ (DST).

Sa katunayan, ayon kay Artes, inatasan siya ni Pangulong Duterte na talakayin ang nasabing panukala sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at stakeholders para sa agarang implementasyon ng DST.

Sa susunod na linggo ay nakatakdang iprisinta ni Artes ang panukala sa Civil Service Commission.

Sa ilalim ng panukala, ang trabaho sa pamahalaan ay mula alas- 7 ng umaga hanggang alas- 4 ng hapon. (CHRISTIAN DALE)

116

Related posts

Leave a Comment