IPINAALALA ng Malakanyang sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mandato nitong masigurong natutulungan at naibibigay ang mga pangangailangan ng mga OFW sa iba’t ibang bansa.
Kasunod ito ng mga ulat na marami sa mga OFW sa ibayong dagat ang nahinto sa pagtatrabaho dahil sa COVID-19 kaya’t wala nang pambayad sa nirerentahan nilang bahay at ‘yung iba, umaasa na lamang sa ibibigay sa kanilang pagkain ng kapwa OFW.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, malaki ang naitutulong ng remittances ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa kaya ngayon na sila naman ang may pangangailangan, obligasyon ng pamahalaan, sa pamamagitan ng OWWA, na siguruhing mayroon silang maayos na natutulugan at may sapat at masustansyang pagkain.
Hindi na kailangan pang ipag-utos ng Chief Executive ang pagbibigay tulong sa mga OFW dahil dapat lamang aniya na alam na ng OWWA at ng mga labor attache kung bakit binuo ang kanilang mga tanggapan. CHRISTIAN DALE
