OVP BUDGET NAMUMURONG TAPYASAN NG P1 BILYON

(BERNARD TAGUINOD)

MATAPOS ang kontrobersyal na pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa budget hearing sa Kamara, namumurong mabawasan ang hinihinging pondo ng kanyang tanggapan ng halos P1 bilyon.

Ayon kay ACT Teacher party-list Rep. France Castro, ayaw niyang mabokya sa pondo ang OVP tulad ng hirit ng mga netizen subalit kailangang bawasan aniya ito ng P700 million hanggang P1 billion. Ang mababawas ay ilipat na lang sa Department of Social Welfare Development (DSWD) at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Inamin naman ng mga mambabatas na mahirap idepensa ang mahigit dalawang bilyong pisong budget ng Office of the Vice President (OVP) pagdating sa plenaryo ng Kamara dahil sa naging asal ni Duterte at pagtangging sumagot sa tanong ng mga kongresista.

“As vice chairman (ng House committee on appropriations) and as sponsor of course it’s going to be a lot difficult if I bring this to plenary,” pahayag ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa ambush interview sa Kamara.

Ayon sa mambabatas, umasa ang mga kasamahan niya na masasagot ni Duterte ang kanilang mga tanong subalit hindi ito nangyari dahil sa tuwing tinatanong ito ay “I would like to forgo the opportunity to defend the budget in a question-and-answer format. I will leave it up to the House to decide on the budget submitted” ang kanyang sagot.

Magugunita na naging mainit ang deliberasyon sa P2.034 bilyong budget proposal ng OVP nang dahil sa pagtanggi ni Duterte na sagutin ang mga katanungan ng mga mambabatas partikular sa P122 million confidential funds na ginastos umano nito sa loob ng 11 araw noong 2022.

“Aminin ko sa inyo na maraming congressmen, mga miyembro ng Kamara ang nadismaya dahil nakitaan ng kawalan ng respeto, kawalan ng transparency at kawalan ng paggalang lalong lalo na sa mga miyembro ng Kamara,” ayon naman kay Zambales Rep. Jefferson Khonghun.

Umaasa ito na sa muling pagharap ni Duterte sa Kamara sa September 10, para ituloy ang pagdinig sa kanyang budget ay maging mahinahon na ito at sagutin nang tama ang mga tanong ng mga mambabatas.

64

Related posts

Leave a Comment