P15-B IIWANG UTANG NI ISKO SA MAYNILA

HINDI bababa sa P15 bilyong pagkakautang ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang nakatakdang iwan ni Manila Mayor Isko Moreno sa kanyang pagbaba sa pwesto sa Enero.

Sa pagsisiwalat ni Manila mayoralty bet Alex Lopez, hayagan niyang binatikos ang aniya’y maling prayoridad ni Moreno. Aniya, mas angkop sana kung ginamit na lamang ng alkalde ang pondong inutang pa ng lokal na pamahalaan sa pagtugon sa pandemya lalo pa’t isa ang lungsod ng Maynila sa may pinakamataas na bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa kasagsagan ng pandemya.

Sa isang media forum na pinangasiwaan ng Manila Police District Press Corps, sinabi rin ni Lopez na mas binigyang prayoridad ni Moreno ang pagpapatayo ng istruktura tulad ng gusaling paupahan – hindi socialized housing project na tulad ng ibinibida ng alkalde.

Tinuligsa rin niya si Moreno sa mga ipinagawang stalls na dapat sana’y inilaan sa ambulant vendors sa nasabing distrito. Ayon pa kay Lopez, hindi ang maliliit na vendors ang nakinabang sa nasabing proyektong ipinamahagi sa mga lider na tumulong sa kanyang kandidatura bilang mayor taong 2019.

Nang tanungin kung ano ang kanyang layunin sa pagtakbo bilang alkalde ng Maynila, hayagang sinabi ni Lopez na nais lamang niyang ituwid ang mga hindi angkop na pabida ni Moreno at mga panggigipit ng pamahalaang lungsod sa mga residente ng Maynila.

Aniya, hindi naging polisiya ng administrasyon ni Moreno ang pagkonsulta sa mga nasasakupan bago magpatupad ng mga programang tulad ng “no contact apprehension” na aniya’y ikinadismaya ng maraming motorista.

Kasama ang ka-tandem para Vice Mayor na si Raymond Bagatsing, inilahad din nila ang kanilang platapormang pagbabago, kaayusan at ang patuloy na pamamayagpag ng kalakalan ng droga. (RENE CRISOSTOMO)

8

Related posts

Leave a Comment