P21 PER MEAL BUDGET BAGONG PAMBUBUDOL NG GOBYERNO NI BBM

HINDI kasi nakaapak sa lupa ang gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaya hindi nila alam ang nangyayaring paghihirap ng mga tao sa ibaba o sa laylayan ng lipunan.

Reaksyon ito ng magsasakang kababaihan sa pahayag ng National Economic Development Authority (NEDA) na P64 lang ang kailangan ng isang Pilipino na budget sa pagkain para hindi ito mapabilang ‘none food poor”.

“Sa totoo lang, dahil hindi grounded itong NEDA at hindi alam ang reyalidad. Puro lang sila kuda, hindi lapat sa lupa,” ani Amihan secretary general at spokesman ng Bantay Bigas na si Cathy Estavillo.

Ipinaliwanag nito na ang average sa gastos sa almusal ay P135; P191.25 sa tanghalian at P164.37 sa hapunan kaya umaabot aniya sa P575 hanggang P580 ang pangangailangan sa pagkain.

Hindi pa kasama aniya rito ang gastos sa suka, mantika, kape at asukal na kung pagsama-samahin ang halaga kada araw ay umaabot sa P157.71 at tipid na tipid na ito kaya hindi nila maisip kung saan nakuha ng NEDA ang P21.3 per meal.

Dahil dito, sinabi ni Estavillo na panibagong pambubudol aniya ito ng Marcos administration para palabasin na walang nagugutom o kokonti lang ang nagugutom sa Pilipinas.

“Dapat ang ginagawa ng NEDA at ni Marcos ay resolbahin ang kahirapan at kagutuman sa bansa. Kung may nagsasabing 52 milyon ang nagsasabing nakakaranas ng involuntary hunger, hindi ba automatic na magkaroon sila ng komprehensibong plano dito at hindi puro pambubudol sa mamamayang Pilipino,” ani Estavillo.

Inurirat naman ni ACT party-list Rep. France Castro ang Department of Trade and Industry (DTI) kung anong pagkain ang pwedeng mabili ng P64 o P21 per meal para mabusog at magkaroon ng masustansyang pagkain.

Walang direktang sagot dito si DTI Undersecretary Amanda Marie Nograles subalit sinabi nito na ang instant noodles ay mabibili lamang sa halagang P7.70 kada pakete habang may tinapay na nabibili umano ng P2 kada piraso.

Nagkakahalaga rin aniya ng P15 hangang P20 ang sardinas kaya napailing si Castro dahil lumalabas na maging ang DTI ay mistulang hindi naniniwala na kasya ang P64 na budget sa pagkain ng isang tao sa buong araw. (BERNARD TAGUINOD)

67

Related posts

Leave a Comment