PAG-ALIS SA PROTEKSYON NG HALALAN HAHARANGIN

PINATITIYAK ni Senate President Vicente Sotto III sa mga senador na haharap sa mga kongresista sa Bicameral Conference Committee (Bicam), na huwag matanggal sa panukalang General Appropriations Act of 2021 (GAA-2021) ang probisyon hinggil sa proteksyon laban sa pandaraya sa halalan.

Ginawa ito ni Sotto makaraang makarating sa kanya ang “impormasyon” ni election lawyer Emil Marañon hinggil sa pag-alis ng naturang probisyong nakasaad sa Automated Election Law.

Ayon kay Marañon, igigiit umano ng isang ‘mambabatas’ ang pagtanggal sa proteksyon, sa pamamagitan ng pag-amiyenda sa paksang tumatalakay sa badyet ng Commission on Elections (Comelec).

Hindi tinukoy ng abogado kung ito ay galing sa pangkat ng mga kongresistang itinalaga ni Speaker Lord Allan Jay Velasco sa Bicam.

Nangako si Senador Juan Edgardo Angara, pinuno ng Senate panel sa Bicam, na gagawin nila ang direktiba ni Sotto.

Ani Angara, inaalam na niya ang katotohanan sa hinggil sa impormasyon.

Todo-suporta naman ang Liberal Party (LP) sa kahilingan ng pangulo ng Senado, pahayag ni Senador Franklin Drilon.

Idiniin ni Sotto na labag sa batas na manaig ang “general law” tulad ng GAA sa “special law” na Republic Act No. 8436 na inamiyendahan ng Republic Act No. 9369.

Matatandaang iniulat ng SAKSI Ngayon na vote counting machines (VCMs) ng Smartmatic ang gagamitin sa halalang pambansa at pang-lokal sa Mayo 9, 2022 na siyang ginamit noong 2013 at 2016.

Kahit moderno na ang pagboto sa eleksyon ng bansa, gamit ang VCMs ng dayuhang kumpanyang Smartmatic, ay hindi natapos ang reklamong malaganap na dayaan sa halalan.

Isa sa mga inirelamo ng malaganap na pandaraya noong eleksyong 2016 ay ang kampo ni Bise Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo.

Naghain ng protestang elektoral si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban kay Robredo sa Presidential Electoral Tribunal (PET) noong Hunyo 29, 2016.

Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa naglalabas ng desisyon si Associate Justice Marvic Leonen mula nang maging ponente ito sa kaso noong Oktubre ng nakalipas na taon.

Ito’y makaraang kontrahin at ibasura ng labing dalawang mahistrado ng PET ang desisyon ng unang ponente na si dating Justice Alfredo Benjamin Caguioa na nagbabasura sa protestang elektoral ni Marcos. (NELSON S. BADILLA)

124

Related posts

Leave a Comment