PARKING OPERATORS DAPAT MANAGOT

Rep Eric Yap

KAILANGANG magkaroon  ng pananagutan ang mga parking operator sa bansa lalo na sa mga mall kapag ninakawan ang kanilang mga kostumer dahil hindi naman libre ang pagparada sa kanila.

Ang aksyon ng Kongreso ay bunsod ng pambibiktima ng basag kotse kamakalawa ng gabi kay ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran sa loob ng SM Centerpoint sa Sta. Mesa, Manila kung saan ninakaw ang mahahalagang gamit nito tulad ng pera, laptop, alahas, ATM cards at IDs.

“Maghahain tayo ng panukala sa Kongreso upang tiyakin na mapapanagot kayo sa mga pangyayaring gaya nito. Kung sa isang halal na opisyal ng pamahalaan ay nangyari ito, anong katiyakan ni Juan Dela Cruz na siya ay ligtas sa mga krimeng gaya nito?,” ani ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap.

Sa ngayon ay walang pananagutan ang mga parking operator kapag nasira ang sasakyan o ninakawan ang kanilang mga kostumer kahit nagbabayad ang mga ito ng parking fees.

Nabatid kay Taduran na nagtungo ang kanyang mga staff sa SM Centerpoint para magpalipas ng oras matapos siyang ihatid sa Malacañan para dumalo sa ceremonial signing sa 2020 national budget.

Gayunpaman, pagbalik umano ng kanyang mga staff sa parking lot ng mall ay nakita na lamang na basag ang bintana ng kanilang sasakyan at nawala na ang mahahalagang kagamitan nito.

“We pay exorbitant fees for parking and yet these establishments can’t provide the assurance that our vehicles will be safe from theft and damage,” pahayag ng mambabatas.

Dahil dito, maghahain umano ng resolusyon si Taduran upang alamin kung gaano kaligtas ang mga pay parking sa bansa lalo na sa malalaking mall na patuloy ang pagtaas ng parking fees.

Kailangan din aniyang tapusin na ang paghuhugas-kamay ng mga parking operator kapag may nasirang sasakyan at ninakawan ang mga kostumer ng mga ito dahil luging-lugi aniya dito ang mga tao. (BERNARD TAGUINOD)

160

Related posts

Leave a Comment