BINALAAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang susunod na administrasyon na maghanda sa pagsirit ng presyo ng langis na dala ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa talumpati ng Pangulo sa Clark, Pampanga, binalaan nito ang kanyang successor na paghandaan ang posibilidad na mas lalo pang tumindi ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa dahil maaari itong maging dahilan ng pagsirit ng presyo ng langis.
“Talagang magdaan tayo ng hirap kaya nagpasalamat ako sa Diyos na magtapos na ako. Bilisan na lang niya ang mga araw kasi kawawa talaga itong susunod tingnan ninyo. Hindi na hihinto ‘yan. Everyday, the prices will increase and increase and increase until we can have a stable situation in the whole, lahat ng countries, dito sa Pilipinas, maka-recover,” ayon pa rin sa Pangulo.
Ayon sa Pangulo, ang Russia-Ukraine war ay magiging isa nang pagkasira at dito malalaman kung anong bansa ang unang susuko.
Ang pinangangambahan lamang ng Pangulo ay mag-escalate ang girian ng dalawang bansa at mauwi sa nuclear war.
Kaya ang apela niya sa transport groups na nagdaraos ng kilos-protesta ukol sa fuel price hikes ay unawain ang mga kadahilanan sa pagtaas ng presyo ng langis. (CHRISTIAN DALE)