SA kabila ng mga naglipanang kritiko ay mayorya pa rin ng mga Filipino ang tiwala at nagmamahal kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil sa pag-aalala sa kalusugan nito.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, ang pag-aalala ng nakararaming Pinoy sa Pangulo ay patunay lamang na mahal nila ang Presidente.
Lumabas kasi sa 2019 fourth quarter survey ng Social Weather Stations (SWS) na 72 porsiyento ng mga Filipino ang “worried” sa kalusugan ni Pangulong Duterte.
Ani Sec. Panelo, hindi man aniya kasing-lakas ng kalabaw si Pangulong Duterte, o kasing-bata ng iba, pero makaaasa ang mga Pinoy na nagagampanan pa rin nito nang maayos ang kanyang trabaho.
“We’re glad that people are worried because it only means that they love the President. He may not be as strong as a bull like you, much, much younger, but certainly he can still function effectively as President,” aniya pa rin.
Kung ihahalintulad aniya ang Chief Executive sa ibang naging Pangulo ay mas malayong maliksi ito sa kanyang mga ginagawa dahil sunod-sunod ang mga akibidad mula pagbiyahe sa labas ng bansa, pagbisita sa mga kampo ng sundalo, pagbisita sa mga sinalantang lugar, pagdalaw sa mga burol at pagbisita sa mga sugatang kawal.
Sa kabilang dako, itinatwa naman ni Sec. Panelo na may kinalaman ang kalusugan ng Pangulo sa pagtanggi nito na bumiyahe sa Amerika.
Aniya, noon pa man ay talagang ayaw ng Pangulo na bumiyahe sa Amerika dahil sa malamig na klima. (CHRISTIAN DALE)
184