QUALIFIED HUMAN TRAFFICKING VS ALICE GUO ISASAMPA SA PASIG

ANOMANG araw ngayong linggo, isasampa ng Department of Justice (DOJ) ang kasong qualified human trafficking laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Pasig City Regional Trial Court (RTC).

Ito ay kasunod na rin ng pagpabor ng Supreme Court (SC) sa hiling ng DOJ na mailipat ang pagdinig sa mga kaso mula sa Capas, Tarlac Regional Trial Court (RTC) Branch 66 patungo sa Pasig RTC.

Kabilang din sa mga kakasuhan ang kanyang mga business partner, na kinabibilangan ng umano’y POGO “big boss,”na si Huang Zhiyang.

Nauna rito, lumiham si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kay Chief Justice Alexander G. Gesmundo noong Abril 22 at hiniling na mailipat ang criminal case numbers 9855-9857 (PP vs Ma The Pong, Wang Weili, Lang Xu et al.) mula sa Capas, Tarlac RTC patungong Metro Manila.

Kumpiyansa ang DOJ na sapat ang kanilang ebidensya upang masagot ang mga respondent sa mga kasong kinakaharap ng mga ito.

Ayon sa DOJ, ang mga kaso sa ilalim ng Republic Act 9208, o The Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, ay non-bailable at may katapat na parusang habambuhay sa pagkabilanggo.

Una na ring nailipat ang graft case na kinakaharap ni Guo sa Valenzuela RTC. Bukod sa qualified human trafficking at graft case, si Guo ay nahaharap din sa tax evasion at money laundering sa DOJ. (JULIET PACOT)

25

Related posts

Leave a Comment