Sa pagbangon ng ekonomiya KONTRIBUSYON NG OFWs KINILALA NI PRES. MARCOS JR.

MAHALAGA ang papel at gampanin ng mga manggagawang Pilipino sa pagtulong na palakasin ang post-pandemic economic recovery ng Pilipinas.

Ipinahayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pakikipagpulong sa Filipino community sa Phnom Penh, Cambodia matapos ang kanyang naging partisipasyon sa 40th at 41st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summits and Related Summits.

Sa kanyang naging talumpati, inilarawan ng Pangulo ang pulong kasama ang overseas Filipino workers bilang isang “breath of fresh air” matapos ang four-day biannual meetings.

Pinuri niya ang mga ito sa kanilang dedikasyon at pagsisikap, tinukoy ang kahalagahan ng kanilang naging kontribusyon o ambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

“OFW ngayon ang bumubuhay pa sa ekonomiya. Napakahalaga ng inyong ginagawa, napakahalaga ng inyong ginagawang trabaho,” ang wika ni Pangulong Marcos.

Gayundin, tinukoy ng Pangulo ang kahalagahan ng pamumuhunan sa human capital development, sabay sabing “it will return tenfold.”

“Malakas ang loob ko magsabi na magre-recover tayo dahil yang mga Pilipino, lahat ‘yan ay maaasahan natin na kapag binigyan natin ng magandang pagkakataon, ng tulong. Hindi tayo mapapahiya,” aniya pa rin.

Inilarawan din niya ang mga Pilipino bilang “the best people in the world” para sa kanilang mga kalidad na labis na hinahangaan ng foreign employers.

“The FilCom in Cambodia are the ties that bind our deep and growing relationship with the Kingdom of Cambodia. Kayo ang dahilan kung bakit madali ako lumapit kay Prime Minister Hun Sen at sa hari ng Cambodia [Norodom Sihamoni],” aniya pa rin.

Samantala, tiniyak ng Pangulo sa lahat ng OFWs ang commitment ng gobyerno na makapagbigay ng sapat na lokal na hanapbuhay para sa mga Pilipino upang sa gayon ay hindi na mangibang bayan pa ang mga ito maliban na lamang kung nais ng mga ito.

“Ang ating pangarap ay hindi na kailangang umalis ang Pilipino dahil hindi makahanap ng trabaho sa Pilipinas. Kung may aalis man, hindi ito sapilitan,” aniya pa rin. (CHRISTIAN DALE)

20

Related posts

Leave a Comment