TULUYAN nang natuldukan ang UniTeam.
Ito ang paniniwala ni Senador Chiz Escudero kaugnay sa relasyon ngayon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Escudero na ito ay kahit pa dumalo ang Bise Presidente sa mga rally ng Bagong Pilipinas sa Maynila at sa Davao City na pinangunahan naman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Escudero, 98 o 99 percent nang buwag ang Uniteam at ang pagdalo rin ni VP Sara sa prayer rally sa Davao na pinangunahan ng kanyang pamilya ay maliwanag na nagwakas na ang pagkakaisa sa pagitan ng Pangulo at Bise Presidente.
Bagamat hindi aniya nagsalita ang Vice President sa rally sa Davao kagabi subalit ang presensya nya sa lugar ay patunay na nakikiisa siya sa maaanghang na salita na binitawan lalo na ng kanyang ama na si dating Pangulong Duterte.
Tinukoy ni Escudero na nagsimula ang lamat sa relasyon ng dalawang lider ng bansa nang magpanukala si Pangulong Marcos ng confidential funds para sa Office of the Vice President na kalaunan ay ikinasama pa ng Bise Presidente at hindi man lang pumalag o pumosisyon dito ang Pangulo.
Iginiit pa ni Escudero na dapat nang rendahan ni Pangulong Marcos ang kanyang pinsan na si House Speaker Martin Romualdez at huwag sanang ipagkibit-balikat lang niya ang nangyayari dahil tiyak na babalik sa kanya ito at aakalain ng marami na pumapayag siya sa isinusulong na pekeng People’s Initiative.
Talo Pilipino
Talo ang mga Pilipino sa giyera ng mga Marcos at Duterte dahil lalong hindi matutugunan ng gobyerno ang mga hinaing at problemang kinakaharap ng bansa.
Ito ang kinatatakutan ng Makabayan bloc sa Kamara matapos tuluyang mauwi sa “open war” ang noo’y pagkabiyak ng UniTeam ng mga Marcos at Duterte matapos tanggalan ng confidential fund si Vice President Sara Duterte.
“Starting with the scrapping of the confidential funds of the Office of the Vice President (OVP) and the Department of Education both under Vice President Sara Duterte, then the supposed openness of Pres. Ferdinand Marcos Jr. for the Philippines to return as a member of the International Criminal Court (ICC) then the suspension of the SMNI shows mostly identified with former Pres. Duterte,” ayon sa statement ng Makabayan bloc.
Pumalag aniya ang kampo ni Duterte sa pamamagitan ng kanyang “Generals” para patalsikin si Marcos sa kapangyarihan kasabay ng pagkilos ng troll armies anila, na nagpakalat ng mga ‘polvoron memes’ dahil adik umano si Marcos sa cocaine.
Bago natapos ang 2023, inilutang ng kampo ni Marcos ang Charter change sa pamamagitan ng People’s Initiative na pinangangambahang gagalawin din ang political provisions tulad ng term extension at pagbura sa political dynasties kaya pinalagan ng mga senador at tinawag itong “pekeng initiative”.
Noong Linggo, ayon pa sa Makabayan bloc, ay inilunsad ni Marcos ang Bagong Pilipinas na tinapatan naman sa Davao ng mga Duterte ng anti-Cha-cha rally.
“As things stand, the open war now raging between the Marcos and Duterte camps is all just to monopolize power in the country. Pres. Marcos Jr. wants to perpetuate himself in power just like his dictator father which is against the 1987 Constitution, that is why his camp wants Charter change through the fake people’s initiative,” ayon sa Makabayan bloc.
“The Duterte camp for its part wants to return to Malacanang that is why many quarters are saying they are behind destabilization moves and the call for Marcos Jr. to resign so that Sara Duterte can become president,” dagdag pa ng mga ito.
Sinabi ng Makabayan bloc na walang pakinabang ang taumbayan sa gulo sa pagitan ng dalawang pamilyang ito dahil hindi ito magpapababa sa presyo ng mga bilihin tulad ng bigas, hindi maisasalba ang hanapbuhay ng mga public utility vehicle (PUV) driver at operators, hindi tataas ang sahod ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor at iba pang problema ng bansa.
(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)
122