OPISYAL na pinasimulan ng Commission on Elections (Comelec) kahapon ang filing ng certificates of candidacy (COCs) para sa kauna-unahang parliamentary elections para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na tatagal hanggang Nobyembre 9, 2024.
Ito ay sa likod ng banta na may mga nagbabalak na maghain ng panukala sa Kongreso para ipatigil ito.
Ayon kay Comelec chair George Erwin Garcia, nagtungo siya sa Cotabato para ipakita na hindi nagpapaapekto ang Komisyon sa mga maaaring i-file na panukalang batas ng pagpapaliban ng Bangsamoro parliamentary election dahil hangga’t wala aniyang batas ay tuloy-tuloy ang paghahanda ng Comelec.
“Doon sa mga may-agam, nagdadalawang-isip na mga kababayan natin, nandito mismo ang inyong Komisyon, and we are willing and able, and we will be accepting all you COCs beginning today (Monday November 4) up to the ninth (9th) of November (2024),” ani Comm. Garcia.
Kahapon ay nakipag pulong din si Garcia sa ginanap na Regional Joint Security Control Center Meeting sa Cotabato City kaugnay sa magaganap na 2025 National and local election at ng kauna-unahang BARMM parliamentary election kung saan tinalakay rin ang pagmamantini ng seguridad sa buong nasasakupan ng rehiyon.
Nabatid na nag-deploy ng karagdagang tauhan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) sa Bangsamoro region bago ang filing ng certificates of candidacy (COCs).
Sinabi ni Garcia na ang pagtaas ng presensya ng mga kasundaluhan at pulisya ay makatutulong upang masiguro ang kapayapaan at seguridad ng proseso ng COC filing sa BARMM. (JESSE KABEL RUIZ)
32