Sa sablay na RFID implementation KONTRATA NG TOLL OPERATORS BAWIIN

NAGBANTA si Senador Sherwin Gatchalian na babawiin ang concession ng toll operators sa gitna ng kapalpakan sa pagpapatupad ng Radio-Frequency Identification (RFID).

Nanawagan si Gatchalian na busisiin ang concession agreement o kontratang pinasok ng gobyerno sa mga toll operator kaugnay ng kapalpakan at ilang paglabag sa pagpapatupad ng RFID sa mga expressway.

Sinabi ng senador na pinaplano nitong maghain ng resolusyon sa loob ng linggong ito habang muling binatikos ang mga toll operator at pinapanagot sa mga pumapalyang RFID sensors sa toll gates matapos ang pagpapatupad ng cashless transactions simula noong Disyember 1 na nagdulot ng matinding trapiko sa expressways nitong mga nakaraang araw.

Partikular na pinuna ng senador ang mga naiulat na pumapalyang RFID sensors katulad ng nararanasan ng mga motoristang papasok ng Valenzuela City at dumadaan sa North Luzon Expressway (NLEX) interchange.

Hindi rin pinalampas ni Gatchalian ang pagbabatikos sa Toll Regulatory Board (TRB), ang ahensiyang nasa likod ng pangongolekta ng toll.

Sabi ng senador, obligado ang naturang ahensiya na aksyunan ang mga reklamo ng mga motorista sa loob sa tatlong araw matapos itong idulog sa kanila. Ang kawalan ng aksyon ay magreresulta sa pagkaresolba ng kaso sa panig ng motorista.

Batay sa Implementing Rules and Regulations (IRR) na pinirmahan ng TRB noong Oktubre 5 sa Department Oder No. 2020-12 ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa pagpapatupad ng cashless o contactless transactions sa lahat ng motoristang dumadaan sa expressways, dapat siguruhin at panatilihin ng mga toll operator ang kaayusan ng pagkokolekta ng toll.

Nakasaad din sa nasabing IRR ang pagpapataw ng parusa sa kumpanya dahil sa hindi pagsunod sa mga polisiya ng TRB, ang ahensyang nangangasiwa sa operasyon at pagpapanatili ng mga pasilidad na may kinalaman sa toll gates.

“Ito’y malinaw na kawalan ng malasakit sa kapakanan ng mga motorist na, dahil sa mga technical glitches at kulang na pag-aasikaso ng mga kinauukulan, nagdurusa at naiipit ng ilang oras sa traffic,” mariing sinabi ni Gatchalian.

“Nakakalungkot isipin na nakakayanan nilang igiit ang pangongolekta ng mga bayarin sa publiko ngunit hindi naman natutumbasan ng kaukulang serbisyo,” pagtatapos ni Gatchalian. (NOEL ABUEL)

94

Related posts

Leave a Comment