KINASTIGO ng ilang maralitang kabataan mula sa Novaliches, Quezon City ang umano’y pananabotahe ng isang kongresista sa programang libreng edukasyong sa para hanay ng mga nagnanais tumuntong sa kolehiyo.
Ayon sa mga kabataan, hindi angkop na idamay pa ang kanilang kinabukasan sa pagitan ng mga pulitikong nagbabakbakan sa posisyon ng kinatawan sa ika-5 distrito ng lungsod. Partikular na tinukoy ng grupo si Rep. Alfred Vargas na umano’y planong ipatigil ang scholarship program ng isang negosyante.
Giit ng grupong binubuo ng mga edad 16-anyos pababa, wala naman masama kung sila’y makapasa sa serye ng pagsusulit para mapabilang sa mga collegiate scholars ni Rose Nono Lin na umano’y tumugon lang sa kanilang panawagang sila’y paaralin.
“Wala naman po sigurong batas na pumipigil na makapag kolehiyo ang mga mahihirap na tao. Bakit? Ayaw niya bang matupad man lang ang pangarap naming makapag-aral ng isang kurso sa kolehiyo…” ayon pa sa tumatayong tagapagsalita ng grupo.
Suspetsa pa ng grupo, ayaw lamang umanong masapawan ni Vargas ang kapatid nitong isinusulong niyang kapalit sa Kongreso. Kapwa tumatakbo sa posisyon ng kinatawan ng 5th district ng lungsod sina Quezon City Councilor Patrick Vargas at Nono-Lin.
Hamon pa nila sa last-termer na si Vargas, tapatan na lang ang programa ni Nono-Lin na anila’y matagal nang tumutulong sa mga maralitang kabataang nais makapagkolehiyo.
“Antagal na niya sa pwesto, hindi nila naisip ang scholarship program para sa mga poor but deserving students.”
Di rin anila angkop na manira ang isang kandidato para manalo sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Partikular na tinukoy ng grupo ang umano’y pinalalaking isyu kaugnay ng pagpanaw ng isang senior citizen sa pila ng mga magulang ng estudyanteng nais mapabilang sa talaan ng mga iskolar para sa susunod school-year 2022-2023.
“Nag-aaply po ang mga magulang naming ng scholarship. Wala pong pera sa pila. Forms lang para mapasama sa qualifying exam na gagamiting basehan kung kami karapat-dapat na pag-aralin,” anila.
Sa isang kalatas, iginiit ni Nono-Lin na walang vote-buying sa programang dati na naman niyang ginagawa, kasabay ng paglilinaw na hindi naman lahat ay nakakapasa sa mataas na pamantayan ng naturang programa.
Paniwala ni Nono-Lin, inililihis lamang ni Vargas ang kontrobersyang kanyang kinasasangkutan kaugnay ng imbestigasyong inilunsad ng Office of the Ombudsman bunsod ng reklamo ng 500 pamilyang nabiktima umano ng kanyang programang pekeng pabahay.
Dawit din aniya ang pangalan ng kongresista sa maanomalyang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), isang programa ng Department of Labor and Employment (DOLE).
236