KINASTIGO ng grupong Gabriela si Sen. Robinhood Padilla sa kanyang ‘panchichicks’ statement’ at pinayuhan na pag-isipan kung nararapat ba nitong ipagpatuloy ang kanyang pagiging public servant.
Sa pahayag ng kinatawan ng grupo ng kababaihan sa Kamara na si Rep. Arlene Brosas kamakalawa ng gabi, isang paglabag sa Code of Conduct for Public Officials ang pahayag ni Padilla na nais nitong umalis na lang sa Senado dahil hindi umano ito magkakaroon ng babae sa kapulungan.
“We would like to remind Senator Robin Padilla that his job is to address gaps in current laws and not womanizing. Women should not be treated like mere objects that men can use on their spare time,” pahayag ni Brosas.
Si Padilla ay kasal sa actress na si Mariel Rodriguez at bago ito ay maraming babae ang naiugnay sa kanya lalo na noong panahong aktibo ito sa showbiz industry. Nauna rin nitong pinakasalan ang ina ng aktres na si Kylie Padilla.
Ayon sa lady solon, hindi nila kayang palagpasin ang “misogyny and toxic masculinity” na idinidisplay pa rin ni Padilla ngayong isa na itong public servant at ang pahayag nito na hindi siya makapambabae sa Senado ay “unbecoming of a public official”.
“If Senator Padilla is still confused on whether to serve the people or continue womanizing in the Senate, we suggest that he contemplate if he is still fit to work as a public servant,” dagdag pa ni Brosas.
Iginiit din ni Brosas na mag-isyu ng public apology si Padilla at dapat tuparin nito ang kanyang sinumpaang tungkulin bilang mambabatas na may paggalang sa kababaihan.
“Women should not be treated like mere objects that men can use on their spare time,” dagdag pa ni Brosas. (BERNARD TAGUINOD)
237