MISTULANG naglaban-bawi ang mga senador sa pagsusulong ng Resolution of Both Houses 6 para sa pagbabago sa economic provision ng Konstitusyon.
Matatandaang noong isang linggo, iginiit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na mayorya na ng mga senador ang malamig sa pagtalakay ng RBH 6 dahil sa patuloy na pangangalap ng pirma para sa Charter change.
Subalit, nitong Lunes, sinabi ni Senador JV Ejercito na itutuloy nila ang pagtalakay sa resolusyon upang ipakita sa mga kongresista na tumutupad sila sa napagkasunduan.
Sinabi ni Ejercito na matapos ang pulong nila kay Pangulong Bongbong Marcos noong isang Linggo, nagkasundo ang mga senador na i-convene ang Senate Committee of the Whole para talakayin ang RBH 6.
Ipinaliwanag ng senador na patunay ito na hindi sila tutol sa pagsusulong ng economic Cha-cha sa kondisyon na idaraan ito sa tamang proseso.
Kasabay nito, muling hinimok ni Ejercito ang mga kongresista na itigil na ang People’s Initiative upang makabalik na sa normal na trabaho ang dalawang kapulungan.
Samantala, nakiisa na rin ang mga empleyado ng Senado sa pakikipaglaban para sa kanilang institusyon sa gitna ng usapin ng People’s Initiative sa pagsusulong ng Charter change.
Nitong Lunes, sa pagpasok ng mga empleyado ng Senado, karamihan ay nakasuot ng puting damit at naglagay ng kulay maroon na armband.
Ang puting damit ay sumisimbolo umano sa transparency at sincerity ng kanilang pakikipaglaban para sa institusyon habang ang kulay maroon na ribbon ay kumakatawan sa kulay ng Senado.
Kasama sa mga senador na unang nakiisa sa pagsusuot ng arm band sina Senators Sherwin Gatchalian at JV Ejercito.
Sinabi nina Gatchalian at Ejercito na panawagan din ito sa publiko na mag-ingat sa mga dokumentong pinalalagdaan sa kanila upang hindi malagay sa alanganin ang demokrasya ng bansa.
(DANG SAMSON-GARCIA)
73