SENADO, NANAWAGAN SA PAG-REVIEW SA TERMINATION NG DND-UP ACCORD

INAPRUBAHAN ng Senado ang adoption ng Senate Resolution na humihiling sa Department of National Defense na rebisahin ang desisyon nitong i-terminate ang 1989 DND-University of the Philippines accord.

Sa kanyang sponsorhip speech sa Senate Resolution 616, sinabi ni Senador Kiko Pangilinan na welcome sa kanila ang desisyon ng DND na sagutin ang panawagan para sa dayalogo sa UP kaugnay sa termination ng kasunduan.

Samantala, nag-abstain sa adoption ng resolution ang dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at muling iginiit ang kanyang pagsuporta sa pagkansela sa kasunduan.

Iginiit ni dela Rosa na pangunahing tungkulin ng militar at sundalo na protektahan ang kabataan mula sa panghihikayat ng komunistang grupo.

Binigyang-diin pa ng senador na matagal nang naabuso ang kasunduan kaya’t marami ang malayang nakapagre-recruit sa mga estudyante ng UP.

Samantala, sumuporta naman si Senador Koko Pimentel sa panawagan para sa dayalogo kasabay ng payo sa militar na sa halip na tutukan ang sinasabing mga lugar ng recruitment ay dapat alamin ng mga sundalo kung bakit may mga estudyanteng nahihikayat sa kilusan.

Sinabi ni Pimentel na posibleng nahihikayat ang kabataan dahil sa matinding inequality at injustice na nagiging dahilan ng kanilang pagkadismaya.

Iginiit naman ni Senador Joel Villanueva na maraming bagay na maaaring makuha ang pagkakaisa ng mga sundalo at mga estudyante.

Iginiit pa ni Villanueva na kung kinakailangang bumalangkas ng DND-UP accord version 2.0 o pindutin ang reset button ay kanila itong susuportahan.

Binigyang-diin pa ni Villanueva na ang UP ay public space para sa malayang palitan ng mga ideya. (DANG SAMSON-GARCIA)

50

Related posts

Leave a Comment