SIM registration pahirapan ‘FAST AND EASY’ NA PANGAKO NG DICT SABLAY

TALIWAS sa pangako noong Oktubre ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang dinaranas ngayon ng mga nagpaparehistro ng subscriber identity module (SIM) cards.

Sa unang araw ng pagpaparehistro ay nahirapan ang mga subscriber dahil sa glitches o technical issues ng public telecommunications entities.

Dahilan ito para maglagay ang DICT ng 24/7 complaint center.

Kaugnay nito, umapela ang isang mambabatas sa Kamara sa National Telecommunications Commission (NTC) at sa Telecommunication Companies (Telcos) na huwag pahirapan ang kanilang mga subscriber.

“I urge them to make the registration process as seamless as possible to make it much easier for our citizens to comply with the law,” ani Kabayan party-list Rep. Ron Salo.

Sinabi ng mambabatas na bagama’t 180 days ang ibinigay sa subscribers para irehistro ang kanilang SIM card, kailangang bilisan pa rin ito ng Telcos lalo na’t tinatayang 150 million ang kailangan nilang irehistro.

Pinuri rin ng mambabatas ang publiko sa pagsunod sa batas na isang indikasyon na sinusuportahan nila ito upang tuluyang mawakasan ang operasyon ng mga scammer gamit ang mga hindi rehistradong SIM card.

Umapela naman si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa DICT at sa NTC na ayusin ang sistema ng pagpaparehistro ng mga SIM.

Kasabay nito, nakiusap din si Go sa publiko na habaan ang kanilang pasensya dahil nagsisimula pa lamang naman ang implementasyon ng batas.

“Alam nyo wala naman pong perpektong batas, ika nga, lalong-lalo na po sa mga bago pa, implementasyon ng mga bago nating naipasang batas,” diin ni Go.

Sa isang pahayag noong Oktubre, sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy, na magiging madali ang pagpaparehistro at wala itong ipinagkaiba sa pagbubukas ng account gamit ang e-wallet platform.

“This method would allow for the fast and convenient registration of about 144 million SIM cards,” aniya.

Gayunman, batikos at reklamo ang inaabot ngayon sa publiko ng implementasyon ng naturang batas. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

30

Related posts

Leave a Comment