Palasyo, AFP nakatutok sa US-Iran tensions
BINABANTAYAN ng Malakanyang at pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang posibleng paglawak ng tensyong namamagitan sa Amerika at Iran.
Kasabay nito ang pag-alerto ng AFP sa kanilang Defense and Military Attaches sa iba’t ibang bansa sa Gitnang Silangan.
Tiniyak ni Armed Forces chief of staff Lt. Gen. Felimon T. Santos, Jr. na nakahanda ang Hukbong Sandatahan sa posibilidad na kumalat pa sa ibang mga bansa sa Middle East ang tumitinding tensiyon sa pagitan ng US at Iran.
Ayon kay Santos, mahigpit ang ginagawa nilang monitoring sa sitwasyon mula noong mapatay sa inilunsad na drone attack ng US ang isang mataas na military officer ng Iraq at ranking leader ng Iran sa Baghdad airport noong Biyernes.
Sinabi pa ni Santos na hindi nila inaalis ang posibilidad na targetin ng Iran ang mga kaalyadong bansa ng US sa Middle East.
Paliwanag ni Santos, mayroon kasing tyansa base sa kasaysayan ng giyera na madamay ang mga kalapit na bansa tulad ng Israel.
Kabilang sa mga bansa sa Gitnang Silangan na kaalyado ng US bukod sa Israel ang Qatar, Bahrain, United Arab Emirates at Oman.
Kaalyado rin ng Pilipinas ang Estados Unidos subalit nilinaw ng opisyal na hindi naman kasama ang giyera sa Gitnang Silangan sa RP-US mutual defense treaty.
Kinumpirma rin ng heneral na nagbibigay ng update sa sitwasyon ang US pero wala pa namang inilalatag na plano sa posibleng mangyari sa gitnang silangan.
PAPANIG SA US
Hindi naman malayong pumanig si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Estados Unidos sa oras na masaktan ang mga Filipino sa Gitnang Silangan.
May paghahanda na kasi ang gobyerno ng Pilipinas para ilikas ang mga Filipino sa Middle East na maiipit sa tensyon.
“Duterte will not sit down idly and is simply issuing a friendly caution to Iran, which he earlier said is hell-bent on seeking revenge against the US,” ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo.
Very specific aniya ang Pangulo nang sabihin nito na kapag nasaktan ang mga Filipino ay agad siyang papanig sa Amerika.
Nauna rito, nagpahayag naman ng pangamba ang Chief Executive ukol sa tumitinding krisis sa Middle East.
Tinapik ni Pangulong Duterte ang kanyang dalawang mataas na opisyal, Lunes ng gabi upang lumipad patungong Middle East para sa posibleng paglilikas sa mga Filipino roon.
Tinatayang may 1,600 Filipino sa Iran at 6,000 Filipino naman sa Iraq at may 4 milyong migrant workers sa Middle East, ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello III.
Nauna rito, sinabi ni Sec. Panelo na bumuo ng special committee ang Pangulo upang mamuno sa emergency evacuation plan ng mga Filipino sa Middle East sa oras na umigting ang tensyon sa pagitan ng US at Iran at mauwi sa isang giyera.
Samantala, sinabi ng Presidente na pinag-iisipan niyang magpatawag ng special session ng Kongreso para maglaan ng standby fund na magagamit para sa pagpapauwi sa mga OFW sakaling lumala ang tensiyon sa Middle East.
Inatasan naman ng Pangulo ang Department of Finance na maghanap ng pondo para sa maiipit na OFWs at ang Kongreso na ang bahalang bumuo ng komite na hahawak sa pondo.
CONTINGENCY PLAN
Handa naman ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso na magsagawa ng special session upang plantsahin ang pondo at contingency plan sakaling sumiklab nang tuluyan ang “giyera” sa pagitan ng United States at Iran.
Ito ang tiniyak ni House majority leader Ferdinand Martin Romualdez matapos imungkahi ni Pangulong Duterte na magsagawa ng special session dahil kinakabahan ito sa tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
“We agree with the President’s pronouncement that the rising tension in the Middle East is a major concern that needs urgent legislative attention. We are ready to clothe the executive with all the powers needed to make sure that every Filipino is safe and secure in these trying times,” ayon sa mambabatas.
NAVY SHIP IDE-DEPLOY
Posible namang i-deploy ng Philippine Navy ang isa sa dalawang landing dock vessels, ang BRP Davao Del Sur (LD-602), oras na pasimulan ang evacuation para sa libo-libong OFW sa Middle East.
Ito ang tugon ni PN public affairs office chief Lt. Commander Maria Christina Roxas nang tanungin kung anong barko ng Navy ang maaring ipadala sakaling umabot na sa shooting war ang tensyon ng dalawang bansa.
“The PN concept of support in the repatriation of affected OFWs in the Middle East, (is) one landing dock and possibly escorted by one Del Pilar (class offshore patrol vessel) if needed (and) will be taken into consideration as part of the PN planning,” pahayag nito.
Sinabi pa ni Roxas na sakaling dumating sa punto na kakailanganin na ang suporta ng Hukbong Dagat para sa isang humanitarian o mercy mission ay irerekomenda nila ang dalawang nasabing Naval assets. JESSE KABEL, BERNARD TAGUINOD at CHRISTIAN DALE
177