Taumbayan dapat magbantay MAHARLIKA MASAHOL PA SA COCO LEVY FUND

(BERNARD TAGUINOD)

NANGANGAMBA ang isang marginalized sector na mas malala sa Coco Levy Fund ang kahantungan ng isinusulong na Maharlika Wealth Fund (MWF).

Sa Coco Levy Fund ay itinuturing na na-scam ang mga magniniyog sa bansa dahil ang pondo na kinuha sa kanila ay hindi nila napakinabangan.

Ayon kay dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, kung sa mga magniniyog ay P70 billion lamang ang kinuha na umano’y ipinambili ni dating Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco ng share sa San Miguel Corporation (SMC) noong 1982, mas malaki ang sangkot na halaga sa MWF dahil aabot ito ng P275 billion.

Ang masaklap aniya, walang napanagot sa sinasabing pag-scam sa mga magniniyog sa bansa “tapos ngayon may bagong imbentong Maharlika Wealth Fund na naman”.

Itinuturing ng dating mambabatas na isang “modernong pang-iiskam sa sambayanang Pilipino” ang MWF na ang gustong biktimahin ay ang mga manggagawang miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS).

Dahil dito, dapat aniyang ibasura ng Kongreso ang nasabing panukala lalo na ang paggamit sa pondo ng mga manggagawa sa mga investment na papasukin ng gobyerno sa pamamagitan ng MWF.

“If they still possess an ounce of rationality and empathy to the Filipino people, to strongly oppose this immoral bill,” ayon pa kay Casilao.

Sa kabila ng mga pagtutol, mistulang bingi ang Kamara dahil wala silang balak na iatras ang panukala.

Sa ambush interview kay House majority leader Jose Manuel Dalipe, sinabi nito na tuloy ang pagpapatibay sa nasabing panukala sa ikalawang pagbasa bago ang kanilang Christmas break sa December 17.

“We have no definitely timeline but my estimate probably second reading this December, ganun lang,” ani Dalipe.

“As far as the committee on rules is concern, what I know as chair of committee on rules, aabot ng second reading this December,” dagdag pa ni Dalipe.

GSIS, SSS Out Na

Nitong Miyerkoles ng hapon, inanunsyo na hindi na isasali ang GSIS at SSS sa pagkukunan ng pondo sa itatatag na Maharlika Wealth Fund (MWF).

Ipinagbunyi ito ng oposisyon sa Kamara dahil tila nagbabago ng isip ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso kasunod ng pagkontra ng iba’t ibang grupo sa panukala partikular na ang mga miyembro at pensioners ng GSIS at SSS.

“The removal of the GSIS & SSS as sources of the Maharlika Wealth Fund (MWF) is an initial and partial victory of the people against endangering their pensions,” ani ACT party-list Rep. France Castro.

Sa original na panukala, kukunan ng P125 billion ang GSIS habang P50 billion naman sa SSS para mabuo ang inisyal na P275 billion pondo ng MWF bagay na hindi nagustuhan ng mga miyembro ng mga nabanggit na Government Financial Institutions (GFIs).

Dahil dito, nakipagpulong ang liderato ng Kamara sa economic managers ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para suriin muli ang MWF dahil sa mga protesta.

“Based on our assessment of the proposed changes put forward by the economic team, we are amending the bill to change the fund sources, removing GSIS and SSS as fund contributors and instead utilize profits of the Bangko Sentral ng Pilipinas,” ani Marikina Rep. Stella Quimbo na kabilang sa original author ng panukala.

Dahil dito, muling magkakaroon ng pagdinig ang House appropriation committee upang amyendahan ang panukala.

“Maganda na nagsagawa tayo ng series of consultations ukol sa panukala; na-validate ang mga agam-agam ng ating mga kababayan, lalo na ang masisipag na manggagawang Pilipino, na buwan-buwang naghuhulog ng GSIS at SSS contributions,” dagdag pa ni Quimbo.

Naniniwala ang mambabatas na supisyente ang kita ng BSP para mabuo ang target na pondo ng MWF kung saan iinvest ito sa mga negosyo na siguradong magkakaroon ng tubo.

Sa kabila nito, sinabi ni Rep. Castro na hindi pa rin dapat magpakampante ang taumbayan sa halip ay patuloy na bantayan ang panukala para matiyak na walang “taxpayers’ money” na ida-divert dito.

“But we must still be vigilant because funds from the General Appropriations Act (GAA) and special appropriations are still included and taxpayers are still the ones to pay the sovereign guarantee of the MWF,” ayon pa kay Castro. (BERNARD TAGUINOD)

34

Related posts

Leave a Comment