SA kabila ng direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto ang e-sabong sa bansa, tuloy naman ang operasyon nito na pinamamahalaan ng beteranong gambling lord na si Bong Pineda.
Ayon sa source, ang Sabong Express ni Pineda ay tuloy pa rin sa pagpapalaro at pagpapataya.
Katunayan, hanggang sa social media nitong nakalipas na Miyerkules ay may ads pa ito tungkol sa schedule ng Sabong Express.
Ang schedule nito ay inumpisahan ng alas-8:30 ng umaga.
Ito ay may laban na ¾ cock derby, MM5 cock derby at marami pang iba.
Nabatid na maging ang mga awtoridad ay walang magawa para hulihin ang e-sabong ni Pineda kahit may kautusan na si Duterte sa Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ipinagmamalaki umano ni Pineda na super lakas siya kay Pangulong Duterte, Senator Bong Go at kumare niya si PAGCOR chief executive officer Andrea Domingo.
Ang Sabong E-Express ni Pineda ay nag-ooperate sa buong Central Luzon.
Ayon pa sa report, kahit ang Senado ay hindi kayang ipatigil ang E-Sabong ni Pineda sa katwirang: “Si President Duterte nga hindi siya kayang ipatigil, Senado pa kaya?”
Kung matatandaan, ipinatitigil ni Pangulong Duterte ang operasyon ng lahat ng E-Sabong sa bansa.
Sa Talk to the People, sinabi ng Pangulo na sinang-ayunan niya ang rekomendasyon ni DILG Secretary Eduardo Año kaugnay sa social cost na dulot ng e-sabong.
“The recommendation of Sec. Año is to do away with e-sabong. It’s his recommendation and I agree with it, e-sabong will end by tonight, bukas, lalabas ito bukas,” pahayag ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, inutusan niya si Año na magsagawa muna ng survey kaugnay sa social impact ng online sabong.
“So ginawa ni Sec. Año ang trabaho niya, he reported and validated yung naririnig ko. Yung amin naman sana, buwis lang ang hinahabol namin dito, sinabi ko na sa inyo P640 million is P640 million but may naririnig na ako, loud and very clear to me that it was working against our values,” pahayag ng Pangulo.
“And yung impact sa pamilya pati sa tao e ang labas, di na natutulog yung mga sabungero,” dagdag ng Pangulo.
236